DENR, pinaalalahanan ang publiko na itapon nang wasto ang COVID-19 wastes

DENR, pinaalalahanan ang publiko na itapon nang wasto ang COVID-19 wastes

NAGPAALALA ang Department of Natural Resources (DENR) sa publiko na ugaliing itapon nang wasto ang ginagamit na face mask o ibang COVID-19 wastes ngayong panahon ng pandemya.

Sa panayam ng SMNI NEWS kay DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs Jonas Leones, iginiit nito na hindi problema ang disposal sites o kahit yung mga treatment facilities para sa COVID-19 wastes na nakukuha ng ahensya araw-araw.

Sinabi ni Usec. Leones, ang kanilang isa sa mga hamon ngayon ay ang segregation, collection, at pag-transport ng ilang lokal na pamahalaan lalo na sa mga hazardous waste.

May mga pangyayari kasi na hindi naabot ng mga kolektor ang ilang lugar dahil sa malayo-layo ang kanilang mga disposal site o di kaya naman ay wala silang sapat na treatment facility.

Binigyang diin naman ng DENR official na ang kulang din para maipatupad ng lubos ang tamang waste disposal ay ang disiplina ng bawat household sa pamamahala ng kanilang basura.

Nag-uumpisa kasi sa kanila ang lahat at kung mula sa kanila ay mali na ang pangangasiwa ng basura ay otomatik na may domino effect na ito sa proseso na ipinapatupad para sa wastong waste disposal.

Maigting naman ang pakiusap ng DENR sa publiko na sundin ang wastong pagtatapon ng basura lalo na sa COVID-19 wastes.

Mababatid, umabot sa 1000 tonelada o 166 six-toner truck ang bumabyahe araw-araw para kolektahin ang mga naturang basura.

At mula sa nasabing bilang, halos nasa 470 toneladang basura ay nagmumula sa National Capital Region (NCR).

Binalaan rin nito ang mga LGU na papetiks-petiks sa kanilang obligasyon na tiyaking naitatapon ng nasa oras at tama ang kanilang mga basura at di lang kung saan saan ito dapat tinatambak.

Maging ang mga ospital din ay alam na dapat ang obligasyon sa tamang pag-dispose ng hazardous materials tulad ng mga COVID-19 waste.

Hindi ani Leones mangingimi ang DENR na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga pasaway na LGU o mga medical facility na hindi sumusunod sa batas ukol sa pamamahala ng basura.

Ang pahayag ay ginawa ng DENR kasunod ng insidente ng pagtambak ng mga medical waste ng isang laboratorya sa dalampasigan sa Catanduanes.

Ito ang itinuturong dahilan umano ng pagkakasakit sa COVID- 19 ng ilang indibidwal sa Virac matapos paglaruan ang itinambak na delikadong basura.

Ayon pa sa DENR, mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan lalo na sa barangay level upang matiyak na nasusunod ng tama ang Solid Waste Management Act.

Follow SMNI News on Twitter