HUMBLE at hindi mayabang. Ganiyan inilarawan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Russian President Vladimir Putin sa pinakabagong episode ng Gikan sa Masa, Para sa Masa sa SMNI kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Sinabi ito ni Duterte nang tanungin ng butihing Pastor ang pagbisita ni Putin sa mga bansa sa Asya at ang pagtanggap niya ng imbitasyon mula sa mga presidente ng Thailand at Vietnam.
Ipinunto rin ni Pastor Apollo ang matibay na alyansa ng Russia sa mga Asyanong bansa sa kabila ng masamang imahe nito sa Western media.
“Si President Putin was invited to China, he went there. Now, he is invited again to Thailand and Vietnam, and he is also going there despite of the fact na mayroon siyang warrant of arrest ng ICC.”
“In spite of the fact that he is being bedeviled by the Western media but marami pa rin syang friends sa Asia, no?” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, The Kingdom of Jesus Christ.
Inilalarawan ng Western media na na-isolate na si Putin sa mundo simula nang sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine, at mas lalo pa aniya siyang nabubukod matapos maglabas ang ICC ng arrest warrant laban sa kaniya, kahit hindi naman miyembro at hindi kinikilala ng Russia ang nasabing banyagang korte.
Samantala, hindi maikakaila ang ugnayan at kooperasyon ng Russia sa iba’t ibang mga bansa sa Africa, South America, pati na rin sa Asya.
Kamakailan lamang ay bumisita si Putin sa Kyrgyzstan at nakipag-usap kay President Sadyr Japarov upang palakasin ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng kanilang bansa.
Pumunta rin si Putin sa China para sa ikatlong Belt and Road Forum at nakausap si President Xi Jinping na tinuturing niyang malapit na kaibigan.
Matapos nito ay tinanggap ng Russian President ang imbitasyon mula sa Thailand at Vietnam.
Ang Thailand, isang bansa na hindi kabilang sa ICC Rome Statute, ay nagpasyang pananatilihin ang malalim na kooperasyon sa Russia.
Habang ang Vietnam naman ay may malalim na relasyon at kooperasyon sa Russia na nagsimula pa noong panahon ng Soviet Union.
Samantala, ayon kay Duterte, sadyang hindi maganda ang imahe ni Putin sa kanluraning media, ngunit taliwas ito sa kaniyang personal na pagtingin sa Russian leader.
“To the Western press, eh talagang demonyo si Putin pero pag nakaibigan mo si Putin, he is just an ordinary, well, of course, a politician because that position is political. You cannot be there without politics. Maano sya, maano rin, he is quite humble as a person. Wala man akong makitang mayabang na, dito lang man sa Pilipinas, marami dyan sa Congress,” pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Matatandaan na sa ilalim ng kaniyang administrasyon, ninais ni Duterte na magkaroon ng mas malapit na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Russia bilang bahagi ng kaniyang ‘friends to all, enemies to none’ foreign policy.
Noong 2017, nagpasalamat si Duterte kay Putin sa pagtulong nito sa Marawi Siege sa pamamagitan ng pag-donate ng mga armored vehicles, assault weapons, at ammunition.
Taong 2019 naman nang bumiyahe si Duterte sa Moscow sa pangalawang pagkakataon pagkatapos maudlot ang una niyang pagbisita dahil sa sigalot sa Marawi.
Ngunit noong Enero ng kasalukuyang taon, sinabi ni dating Pangulong Duterte na itinuturing niyang kaibigan si Putin, ngunit hindi siya sang-ayon sa paglusob ng Russia sa Ukraine at nagbabalang maaaring lumala ang sigalot at magdulot ng global instability.