UUMPISAN muli ang pagbibigay ng quarantine pass.
Para ito sa mga hindi bakunadong indibidwal na kinakailangan talagang lumabas ng bahay ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Martin Diño sa panayam ng Sonshine Radio.
Para naman sa mga gustong magpabakuna subalit may medical conditions, nilinaw ni Diño na may ibang treatment para sa kanila.
Inaanyayahan rin muli ng DILG ang lahat na nagpositibo sa virus na magbigay-alam sa kanilang barangay.
Ito’y para mabigyan ng kaukulang tulong mula sa pamahalaan.
Samantala, sa mga barangay official na hindi pa nabakunahan, sinabi ni Diño na dodoblehin ang parusang ipapataw sa kanila.
Aniya, siguradong hindi mapapasunod ang mga nasasakupan nila kung mismong sila ay hindi rin tumalima sa panawagang magpabakuna na kontra sa COVID-19.
“No vax, no ride” policy, ipatutupad sa Metro Manila
SAMANTALA, magpatutupad ang Department of Transportation (DOTr) ng “no vaccination, no ride” policy para sa mga public transportation sa Metro Manila.
Sa press statement, sinabi ni transportation secretary Arthur Tugade na nag-isyu siya ng department order para sa pagpatutupad ng naturang polisiya habang nasa COVID-19 Alert Level 3 o mas mataas pang alerto ang NCR.
Sa kautusan ng DOTr, inaatasan ang lahat ng concerned attached agencies at sectoral offices ng DOTr na siguruhing ang mga fully vaccinated lang ang bibigyan ng tickets ng mga operator ng pampublikong sasakyan.
Para matiyak ito, kailangang magpakita ng ebidensya ang mga biyahero gaya ang physical o digital copies ng vaccine card na inisyu ng LGU o anumang IATF-prescribed document na may valid government issued ID na may larawan at address.
Sinabi ni DOTr Secretary na agad magiging epektibo ang department order sa public transportation matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan ng general circulation.