IPINAG-utos ni Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director Police Brigadier General Cesar Pasiwen ang pagsasagawa ng random inspection sa mga manufacturer at dealer ng paputok sa Central Luzon.
Ito ay matapos ang pagsabog sa pagawaan ng paputok sa Sta. Maria, Bulacan kamakailan.
Ayon kay Pasiwen, nagsasagawa na sila ng koordinasyon sa local government units (LGUs) upang matiyak na nasusunod ang mga panuntunan sa pagbibigay ng permit sa mga manufacturer at dealer ng paputok at maiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari.
Babala ng opisyal, kukumpiskahin nila ang mga makikitang ipinagbabawal na paputok sa mga pampublikong pamilihan.
Kasabay nito, umapela si Pasiwen sa publiko na iwasan ang paggamit ng iligal na paputok upang makalayo sa anumang pinsala.