PINAG-AARALAN na ng Pambansang Pulisya ang re-filing ng kaso laban sa film director na si Jade Castro at tatlong kasamahan nito.
Itoy matapos na katigan ng Catanauan Regional Trial Court Branch 96 ang inihaing motion to quash ng kampo ni Castro kaugnay sa kinakaharap na kasong Destruction Arson.
Kinuwestiyon ng kampo ni Castro ang legalidad ng pagkakaaresto sa kanila ng mga pulis.
Bukod sa hindi sila nahuli sa crime scene, dinampot lang anila sila ilang oras na ang nakalipas matapos ang panununog.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, iinirerespeto nila ang desisyon ng korte ukol dito subalit ibinahagi nito na naghahanda muli ang Police Regional Office 4A ng panibagong kaso laban kay Castro at tatlong kasamahan nito.
Nauna nang naninindigan ang PRO-4A na matibay ang kanilang ebidensya na ang grupo ni Castro ang nanunog ng isang modern jeep sa Brgy. Dalahican, Catanuan, Quezon Province noong January 31, 2024.