ARESTADO sa entrapment operation ang isang kilalang tulak ng droga na kasama sa regional target list ng PDEA at tatlong kasamahan nito na nagresulta rin sa pagkakadiskubre ng drug den at pagkakasamsam ng nasa P241.5-K halaga ng shabu bandang 6:30 ng hapon sa Brgy. Dau nitong Miyerkules, Pebrero 28, 2024.
Sa ipinarating na report ng PDEA team leader sa tanggapan ni Director General Moro Virgilio Lazo, kinilala ang mga suspek na sina Edsel G. Carlos, alyas Bruce, 51; habang ang tatlo pang suspek ay kinilala na sina: Maria Hilda M. Permits,42; Nelson S. Del Rosario, 42; at si Joshua M. Polycarp, 27 taong gulang.
Batay sa report kay DG Lazo, bago isinagawa ang operation, isinailalim muna sa isang buwang casing at surveillance ang mga naarestong suspek.
Narekober ng mga awtoridad ang kabuuang 13 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng mahigit sa 35 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P241.5-K sari-saring mga gamit sa droga; at ang buy-bust money.
Ayon sa team leader, ang operasyon ay isinagawa ng PDEA Aurora Provincial Office, PDEA Pampanga PO, at PDEA-RO3 RSET.
Ang mga suspek ay kapwa nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.