Reklamo, katanungan ng OFWs sa benepisyo sa gobyerno, tinugunan ng OFW Party-list

Reklamo, katanungan ng OFWs sa benepisyo sa gobyerno, tinugunan ng OFW Party-list

PINANGUNAHAN ng OFW Party-list ang isinagawang policy dialogue kasama ang ilang opisyal ng Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund at ilang OFW leaders sa Kamara ngayong Huwebes, Nobyembre 16.

Kasunod ito sa maraming reklamo at katanungan na natatanggap ng partylist mula sa mga OFW hinggil sa mga benepisyo at serbisyo ng tatlong mga ahensiya.

Katulad na lamang sa concern ng isang OFW na si Dra. Ernita Santos sa SSS.

“Doon po ako sa SSS. Sa SSS po nakita ko ang hacking ng data base niyo,” ayon kay Dra. Ernita Santos, OFW.

“Nagkaroon po ng problema ang specific po ang anak ko. Nagamit po ang account ng anak ko sa inyo na nakapagloan,” dagdag ni Santos.

“Yung anak ko po, hindi nag-loloan, biglang nag-loan kasi na-hack po ‘yung email ad,” aniya.

“Hindi pa po naha-hack ang SSS. ‘Yung na-hack po, ang email po ng anak ninyo. Kasi hindi po makakapagloan ang isang SSS member kung nagtatrabaho po ‘yung tao. Dadaan po kasi sa employer ‘yun,” ayon kay Roberto Roldan, Representative, Social Security System.

“So, sa employer po nanggaling ang hacking, hindi po sa SSS,” dagdag ni Roldan.

Ayon kay OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, layon ng nasabing policy dialogue ay magkaroon ng pagkakataon ang mga kababayan nating OFW na direktang maipaabot ang kanilang concern at malaman ang mga serbisyong hatid ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund dahil kulang ito sa information dissemination.

“So, itong mga bagay na ito na napakahirap nating malaman kung hindi natin sila kakausapin. Kaya ang consultation ng OFW Party-list dito po sa Pag-IBIG, sa SSS, sa PhilHealth is very important,” pahayag ni Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, OFW Party-list.

Sa nasabing dayalogo na naka-livestream din sa official Facebook page ng OFW Party-list, nakita at nalaman din ng mga kababayan natin na nagtatrabaho abroad kung ano pa ang mga benepisyo na dapat asahan ng mga ito mula sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.

“Ngayon, nalaman natin kung ikaw ay nasa abroad na OFW, pwede kang makakolekta basta ipakita mo ‘yung mga medical expenses o medical receipts mo, pwede mong maipakita yan at makapag-reimburse ka. Siyempre may proseso pero hindi natin pwedeng i-accredit yung ospital na nasa abroad. Siyempre dito lang sa atin. Gayundin makakakuha pa rin siya ng PhilHealth, makakakuha siya ng SSS kung member at makakakuha siya sa Pag-IBIG kung member sila,” dagdag ni Magsino.

“Dito po ipinakita po ng PhilHealth na napakaraming sakit ang kino-cover nila. Pati mga dependence nila ay binibigyan pa rin ng benepisyong medikal. Ganun din po whether nandito pa sa Pilipinas o nasa abroad ka,” ani Magsino.

Para sa kompletong detalye ng mga benepisyong hatid ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG, bisitahin lamang ang website ng mga nasabing ahensiya o kaya’y makipag-ugnayan lamang sa OFW Party-list sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page.

“Para sa ating mga OFW member o hindi pa member, mag-member po tayo kasi tama pandagdag nga ito sa gastusin pero ‘yung peace of mind po ang binibili natin dito. Ang binabayaran natin ‘yung hindi ka nag-aalala. Nagkasakit ako, may  gagastos. Huwag naman mangyari nagkaroon ng death, may gagastos. Scholarship, may gagastos. ‘Yung sinasabi nating nagtatrabaho tayo, you are saving a part ‘yung kinikita mo para dito sa peace of mind mo dahil sa pagmamahal mo sa pamilya mo, hindi po natin mababayaran ‘yun,” ayon pa kay Magsino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble