IGINAGALANG ng Philippine National Police (PNP) ang rekomendasyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na sibakin sa serbisyo ang 8 pulis sa Pampanga na nasangkot sa umano’y pagnanakaw.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Roderick Alba, dumaan sa due process ang mga sangkot na pulis.
Dapat aniyang magsilbing paalala sa mga miyembro ng PNP na bagama’t mandato nilang magpatupad ng batas ay dapat din silang sumunod dito.
Tiniyak naman ni Alba na nararapat pa rin sila sa tiwala ng publiko.
Nabatid na tinangay ng walong pulis ang mga pera, alahas at cellphone mula sa mga biktima sa ginawa nilang operasyon sa Angeles, Pampanga noong Enero.