PATUNG-patong na problema ang kinakaharap ngayon ng bansang Pilipinas.
Nariyan ang patuloy na pagmahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, mataas na singil sa tubig at kuryente, at marami pang ibang sakit ng ulo’t pasanin sa ordinaryong Pilipino.
Sa gitna ng araw-araw na pagsuong ng mamamayan sa tila pahirap nang pahirap na estado ng pamumuhay sa bansa ay heto’t nakaamba pang giyera sa pagitan ng Pilipinas at China na dulot ng sulsol at pang-uudyok ng Amerika.
Kaya naman sa paglala ng sitwasyon sa Pilipinas ay kitang-kita ng mga Pilipino ang tunay na kulay ng Marcos administration. Dahil diyan – patuloy ang pagdami ng mga nananawagang lisanin na ni Bongbong Marcos ang Malakanyang!
Ang grupong Nationally Concerned Christian Leaders and Citizens (NCCLC) sumulat na kay Marcos Jr.
Giit ng grupo – ayaw nilang magamit ang Pilipinas sa proxy war.
Ayon kay Angel Ortega, Head Coordinator at Convenor ng nasabing grupo – nagkakaisa ang lahat ng independent religious groups sa panawagang ayaw nila ng giyera.
“We the Nationally Concerned the Filipino Christian Leaders and Citizens, stand united today to voice out our grave concern and refusal to the disastrous civil war, nor a proxy war that is brewing at hand. We are calling out the attention of our President and the Armed Forces of the Philippines to no longer allow this war posturing against China and the daily drum beat of war being projected by the mainstream media,” ayon kay Pastor Angel Ortega, Head Coordinator, Convenor, NCCLC.
Para sa dating kadre ng CPP-NPA-NDF na si Jeffrey “Ka-Eric” Celiz – suportado niya ang naging hakbang ng iba’t ibang religious groups.
Dapat nga aniya dinggin ang boses ng simbahan at agad na aksiyunan ng pamahalaan ang mga hinaing nila dahil ayaw nilang gumuho ang ating bansa sa kamay ng masamang gobyerno.
“The voice of the church people needs to be heard in this critical time. Kaya nandito tayo mapa-Muslim, mapa-Kristiyano, we do not want to see our country collapse into the mire of an evil government that does not recognize morality and faith of conviction to serve its country and its people,” ani Jeffrey “Ka-Eric” Celiz, Former Kadre, CPP-NPA-NDF.
Binigyang diin naman ni Peter “Ka-Ramon” Mutuc, dating kadre ng CPP-NPA-NDF ang importansiya ng naturang pagtitipon dahil wala aniyang ni-isa man sa mainstream media ang nagbabalita sa napipintong giyera.
“Upang pukawin ipaabot sa mamamayan kasama po kayo na magkakagiyera, magkakaroon ng giyera hindi po biro ito at nakakalungkot talaga na hindi ito kinikibo ng mainstream media, nakakakilabot,” giit ni Peter “Ka-Ramon” Mutuc, Former Kadre, CPP-NPA-NDF.
Samantala, kaugnay rito’y nagsagawa ng leader’s forum ang mga MAISUG speakers na sina Atty. Vic Rodriguez, Atty. Harry Roque, Atty. Trixie Cruz-Angeles, at Atty. Glenn Chong sa Brgy. Bambang, Bocaue Bulacan.
Ayon kay dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez – layon ng naturang leaders forum na ipaalam sa mga Pilipino ang tunay na estado ng ating bansa.
“Sila’y talagang nag-aalala dito sa napipintong digmaan sa pagitan ng Pilipinas at ng China. Alam kong ito rin ay bumabagabag sa inyong isipan unang-una dahil walang malinaw na pagpapaliwanag mula sa pamahalaan ano ba talaga ang tunay na estado ng problemang ito, bakit ang dami-dami nang sundalong Amerikano sa Pilipinas?” pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, Former Executive Secretary.
Ayon naman kay Atty. Harry Roque – hindi na nakakatuwa ang patuloy na pag-iwas ni Marcos Jr. sa isyu ng paggamit umano nito ng ilegal na droga.
“Hindi po nakakatawa ang tanong kung ikaw ay adik, bakit po? Dahil pag-ikaw ang presidente at wala ka sa tamang pag-iisip, pupwede mong kaladkarin ang Pilipinas sa isang giyera na wala namang interes ang mga Pilipino para mamamatay at ‘yan po ang nangyayari ngayon,” ayon naman kay Atty. Harry Roque, Former Spokesperson, Malacañang.
Para naman kay Atty. Trixie Cruz-Angeles – kung hindi magbabago ang polisiya ng pangulo ay hindi lalago ang ating bansa.
“Kailangan alam ninyo ‘to. Kailangan alam ng pamilya ninyo, kailangan alam ng inyong mga kaibigan na ganito ang estado natin at hindi ito iigi, hindi ito mag-iimprove pagdating ng susunod na taon kung ganyan parin ang desisyon ng ating pangulo, mahal pa rin ang presyo ng pagkain ng tubig, ang transportation, wala tayong aasahan na improvement kung hindi siya magbabago,” ayon kay Atty. Trixie Cruz-Angeles, Former Spokesperson, Malacañang.
Pagbaba sa puwesto ni BBM, solusyon para mapigilan ang napipintong giyera -Atty. Chong
Kaya para kay Atty. Glenn Chong para matapos na ang paghihirap ng mga Pilipino at mapigilan ang napipintong giyera ay maiging bumaba na lang sa puwesto bilang pangulo ng bansa si BBM.
“Of course, palayasin si Marcos sa Malacañang. That’s the most practical solution pero but I should stress out ‘yung pagpalayas kay Marcos ang basis natin dun, not only we want peace because minanipula niya ang kaniyang mandato,” giit ni Atty. Glen Chong.
Bagay na sinang-ayunan naman ng iba’t ibang sektor.
“Ano ang ginawa ng ating pangulo para gawing mapayapa ang ating bansang Pilipinas? Sa tingin ko dapat lang, dapat na siyang bumaba dahil ‘pag magtagal pa siya, lalo lang mahirapan ang sambayanang Pilipino,” ayon kay Butch Ancheta, Urban Poor Sector.
“Yes, naman para tayong niloloko na lang eh’ dahil lahat ng sinasabi nila wala namang natutupad,” giit naman ni Bernardo Rebueno, Senior Citizen.