MAAARING ma-detain kahit walang warrant of arrest si Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves, Jr.
Ito ang sinabi ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque kasunod ng deklarasyon sa mambabatas bilang isang terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Pero ani Roque, dahil wala sa Pilipinas si Cong. Teves ay posibleng ang kapatid nito na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves ang maaaring makulong.
Ayon pay kay Roque batay sa resolusyon ng ATC, ang deklarasyon kay Teves bilang terorista ay naka-base sa mga ebidensiya at factual incidents.
Sa kaso naman ng tinawag na ‘Teves Terrorist Group’ na kasama rin sa idineklarang terorista, ay ang buong probinsiya umano ng Negros Oriental ang testigo sa mga serye ng patayan doon kasama na ang pagpaslang kay Gov. Roel Degamo noong Marso 4.
Samantala, tinawanan lang ni Cong. Teves ang designation sa kaniya bilang terorista ng ATC.
Ayon naman sa abogado ng mambabatas na si Atty. Ferdinand Topacio, hindi na nila ikinagulat ang deklarasyong ito dahil sa simula pa lamang ng imbestigasyon sa Degamo Murder case ay ginawa na ng pamahalaan ang lahat ng pamamaraan para madiin si Teves sa kaso bilang umano’y mastermind.