TINULIGSA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 2021 Country Report on Human Rights Practices ng US State Department ukol sa mga umano’y pang-aabuso ng security forces sa Pilipinas.
Sa isang statement, tinawag ni DILG Secretary Eduardo Año ang report na ‘sweeping, rhetorical, and unfounded.’
Giit ng kalihim, inulit-ulit lang ang walang basehang akusasyon na hinugot sa traditional at social media na malayo sa katotohanan.
Sa nasabing US report, sinabi ni Año, minamaliit lang aniya nito ang mga ginawa at sakripisyo ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbuwis ng buhay para tuparin ang sinumpaang tungkulin na labanan ang iligal na droga at kriminalidad.
Una nang binanatan ng Malakanyang ang US State Department kaugnay ng kanilang human rights violations report laban sa Duterte administration.
Sa nilabas na statement ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, tinawag ito ng Palasyo na ‘rehashed at recycled’ issues na pilit ibinabato ng mga kritiko ng administrasyong Duterte.
Kinuwestyon din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nasabing ulat at ipinuntong maituturing pawang ‘innuendo’ at isang ‘witch-hunt’ ang mga akusasyon na walang kaukulang datos.
Samantala, nakiisa ang DILG sa DND sa paghamon sa US Department of State na patunayan ang kanilang akusasyon upang maayos na matugunan ito sa pamamagitan ng mga panloob na mekanismo at mga korte.
BASAHIN: Umano’y human rights abuses sa Pilipinas, ‘rehashed report’ ng Amerika – Gibo Teodoro