INILABAS na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang resulta ng imbestigasyon sa pagbagsak ng dalawang air assets ng militar noong Hunyo at Hulyo.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Ramon Zagala, maraming “factors” at hindi lang iisa ang dahilan ng pagbagsak ng C-130 plane at Sikorsky S-70i Black Hawk Helicopter ng Philippine Air Force.
Paliwanag ni Zagala, material, human at environmental factors ang nagresulta sa pagbagsak ng C-130 plane sa Sulu at Sikorsky S-70i helicopter sa Tarlac.
Lumalabas sa resulta ng imbestigasyon na napunta ang helicopter sa thunderstorm at sinabayan ng “spatial disorientation” o “vertigo” ng piloto na nagresulta sa pagbagsak nito.
Iginiit ni Zagala na ginawa ang imbestigasyon upang matiyak na hindi na mauulit ang kahalintulad na insidente at upang maprotektahan ang kanilang air assets at mga piloto.