TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tuluy-tuloy ang resupply mission para sa mga sundalo na nakatalaga sa Ayungin Shoal.
Sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes, sinabi ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar na karapatan ng Pilipinas ang ginagawang resupply mission, aniya, ito ay legal at legitimate.
Kaya wala aniyang karapatan ang sinuman na kuwestyunin ang mga ginagawa ng Philippine government sa Ayungin Shoal.
Samantala, inilahad ni Aguilar na ang susunod na rotation and replenishment (RORE) mission ay kanilang paplanuhing maigi upang maisagawa ito nang maayos at matagumpay.
Base sa report na nakuha ng AFP mula sa unit nito, noong Agosto 5 nang magkaroon ng insidente sa Ayungin Shoal, namataan na mayroong 12 maritime militia na sumusuporta sa 6 na barko ng Chinese Coast Guard (CCG).
Pero hindi naman aniya ito lahat involve sa paghaharang o pag-water cannon at iba pang dangerous maneuvers na isinagawa.
Samantala, sinegundahan naman ng AFP spokesperson ang aniya’y maliwanag na sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na kailanman ay hindi iiwan ng Philippine government ang Ayungin Shoal.
Una nang nanindigan si Pangulong Marcos na walang anumang kasunduan ang Pilipinas at China patungkol sa pag-aalis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Reaksiyon ito ng Presidente sa naging pahayag ng China na nangako umano ang Philippine government na tanggalin na ang barkong nakaposisyon sa Ayungin na exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ang nasabing barko na dating ginamit noong World War II ay ipinoste ng Pilipinas mula pa noong 1999 sa Ayungin Shoal sa layuning gawin itong military outpost sa nasabing contested waters.
Idinagdag naman ng Punong Ehekutibo na sakali man na mayroon ngang ipinangako ang Pilipinas, ngayon pa lang ay pinapawalang-bisa na niya ito.
Mungkahing joint military drill sa pagitan ng Pilipinas at China, masusing pag-aaralan
Kaugnay naman sa posibilidad na joint military drill sa pagitan ng Pilipinas at China, sinabi ng AFP na kailangan pa aniya itong pag-aralang maigi, kung makatutulong ba o hindi sa pagsusulong ng interes ng mamamayang Pilipino.
Ang pahayag ay kasunod ng tanong kung tuloy pa ang naturang proposal sa kabila ng insidente sa Ayungin Shoal kung saan ginamitan ng water cannon ng CCG ang Philippine vessel na maghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ni Col. Aguilar na kanilang pakikinggan ang sentimyento ng mga Pilipino hingil sa posibilidad ng joint military drill sa pagitan ng Pilipinas at China.
Gayunpaman, ayon kay Aguilar, wala pa silang natatanggap na pormal na dokumento o proposal kaugnay sa mungkahing ito.