PINASARINGAN ni former Philippine National Police (PNP) chief ret. PGen. Oscar Albayalde ang mga nasa katungkulan na walang dapat katakutan sa pagtatanong ng Sonshine Media Network International (SMNI) at sa hamon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na buksan ang libro upang malaman ng taumbayan kung paano ginagamit ang pondo ng gobyerno.
“Kung walang itinatago, walang dapat katakutan,” saad ni Ret. PGen Oscar Albayalde.
Ito ang naging pahayag ni Albayalde kasabay ng naging hamon ni dating Pangulong Duterte sa kaniyang programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa SMNI sa Kamara na buksan ang libro at busisiin kung paano ginagamit ang pondo ng gobyerno gayundin ang pagtatanong ni Ka Eric sa programang “Laban Kasama ang Bayan” kaugnay sa P1.8-B travel expenses sa Office of the Speaker.
“Let’s us just be transparent, the people deserves to know, the people deserve to know kasi pera po ng bayan naman ang pinag-uusapan at kung wala naman talaga tayong tinatago, wala naman tayong dapat ikatakot, at saka sabi ko nga kapag ikaw ay public servant of course lahat ng mata ay nasa iyo, lahat ng mata. Hindi naman po natin sinasabing tayo ay malinis lahat ganoon pero marami kasi sigurong nakikita ang taumbayan na kailangang i-eksplika, kailangang i-explain ng nanunungkulan sa atin kaya siguro nasabi ng dating presidente natin ‘yan,” ayon kay Ret. PGen. Oscar “Oca” Albayalde, former PNP Chief.
Matatandaang sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang dalawang programa ng SMNI dahil sa isyu ng hamon at pagtatanong sa House Speaker kung kaya pinaimbestigahan ng House Legislative Franchises Committee ang prangkisa ng SMNI dahil nagdulot anila umano ito ng negatibong imahe kay Speaker Martin Romualdez.
Habang Disyembre 2, 2023 naman nang suspendihin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng SMNI sa radyo at telebisyon sa loob ng 30 araw.
Ayon kay Albayalde hindi kailanman maaaring baliin ang kalayaan ng pamamahayag dahil kabilang ito sa statutory rights ng bawat tao.
“The freedom of expression, these are part of our check and balance, ito ‘yung paraan na para hindi mo maabuso ‘yung puwesto para malaman mo na meron ka pa lang ginagawa na medyo nasasaktan ‘yung ating mga kababayan at hindi tama most probably kaya sila nagsasabi ng ganito, ganoon otherwise wala na sanang freedom of expression, wala na tayong binigay ‘yung constitution talaga natin ng freedom, statutory rights natin ‘yan at hindi pwedeng kailan pong mabali ‘yan, those are absolute,” dagdag ni Albayalde.
Dagdag pa nito na kailangang bigyang-pansin ng Commission on Audit (COA) upang malaman ng mamamayan na ang kaban ng bayan ay nagagamit para sa tao.
“Maganda nga po ‘yun at mayroong sumisita, sumisilip sa atin para ‘yung mga nanunungkulan natin, they will not serve or head agency with impunity ika nga, ‘yung untouchable so, nobody is untouchable ika nga, and nobody is above the law, tandaan po natin we are a nation of laws pero hindi po tayo a nation of men,” wika ni Albayalde.
Pinaalalahanan din ni Albayalde ang mga nasa katungkulan na sila ay niluklok ng taumbayan kung kaya umaasa ang sambayanang Pilipino na ibabalik nila ang ibinigay na tiwala sa kanila sa pamamagitan ng tapat na serbisyo-publiko.