UMAGA ng Lunes Enero 8, 2024, personal na tinungo ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. ang tanggapan ng Quezon City Prosecutors Office para magsampa ng reklamo laban kay Army retired BGen. Johnny Lacsama Macanas, Sr.
Si Macanas ay umano’y nagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay sa ‘di umano’y pagbawi ng suporta ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa administrasyong Marcos.
Nauna nang iginiit ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. ang kaniyang pagkadismaya matapos na gamitin ang kaniyang pangalan, mukha, at imahe ng PNP sa ‘di umanoy isyu ng destabilisasyon laban sa adminstrasyong Marcos.
Paggamit ng kaniyang mukha at pangalan, itinuturing ng PNP chief na walang kapatawaran
Sa kaniyang pagharap sa mga miyembro ng PNP sa kauna-unahang flag raising ceremony sa Kampo Krame, sinabi ni PGen. Acorda na walang kapatawaran at hindi aniya tama ang gamitin ang kanilang pangalan ng sinuman para magpakalat ng maling balita.
Aniya isang pagsira ito sa kredibilidad ng kanilang hanay na iningatan ng maraming taon sa serbisyo para makuha ang tiwala ng publiko at mga mamumuhunan sa bansa.
Matatandaang, kapwa inihayag ng AFP at PNP ang kanilang buong katapatan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., bilang commander in chief at wala anila silang kaugnayan sa kumakalat na pagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon.
Nagsimula ito sa isang video post ni retired BGen. Macanas na dawit ang PNP at AFP sa isang tangkang destabilisasyon sa pamahalaan.
Pakiusap pa ng PNP chief sa publiko at mga kawani nito na magkaisa at huwag aniya magpatinag sa mga lumalabas na disinformation at misinformation sa social media.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Anti-cyber Crime Group (ACG) nito para sa mabilis na pagtugis sa vlogger at pagpaliwanagin sa mga ‘di umano’y paglabag nito.
Sa pagpasok naman ng Bagong Taon, tiniyak ng PNP ang kanilang patuloy na suporta sa pamahalaan sa pamamagitan ng mas pinaigting na mga peace and order programs at mas mapagkakatiwalaang public servants.