DAPAT kasuhan ng grave threats ang retired na pulis na nanutok ng baril sa isang siklista ayon kay Senator JV Ejercito.
Binigyang-diin ng senador na isa ring siklista na hindi dapat makalusot ang mga sigang pulis at dapat makasuhan sa korte at makulong para hindi ito tularan ng iba.
Giit pa ni Ejercito, ang nangyaring kasunduan sa pagitan ng dating pulis at ng siklista ay para lamang sa kanilang dalawa.
Dahil hindi aniya katanggap-tanggap ang ginawang panunutok ng baril laban sa isang walang kalaban-laban na siklista.
Matatandaan na noong Agosto 8, nang nagkainitan sa bahagi ng Welcome Rotonda ang dating pulis na kinilalang si Willy Gonzales at isang siklista kung saan nangyari ang nag-viral na video ng panunutok ng baril ng dating pulis.
Sa ngayon ay binawi na ng Philippine National Police (PNP) ang lisensiya ng baril at permit ni Gonzales.