Revilla itinutulak ang mga pro-people na batas

Revilla itinutulak ang mga pro-people na batas

SA tatlong araw na kampanya sa Pangasinan mula Marso 18 hanggang 20, binigyang-diin ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang kanyang pagsisikap sa pagpapasa ng mga batas na may direktang benepisyo sa mamamayan, partikular sa mga senior citizens, kabataan, at sektor ng agrikultura at pangingisda.

Pinangunahan ni Revilla ang direktang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at tinalakay ang mga programang naglalayong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.

Sa kaniyang pagdating noong Marso 18, nakipagkita si Revilla sa mga senior citizens sa bayan ng Pozorrubio, kung saan ipinaliwanag niya ang Republic Act No. 11982 o ang “Expanded Centenarians Act” na nagbibigay ng P10,000 cash gift sa mga senior citizens na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95.

“Hindi natin pinabayaan at hindi natin pababayaan ang ating mga lolo at lola. Ang malasakit sa nakatatanda ay malasakit sa bawat pamilyang Pilipino,” pahayag ni Revilla.

Kasunod nito, nakipagpulong siya sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa bayan ng Villasis at ipinahayag ang suporta sa isang panukalang batas na magpapalawig sa kanilang termino upang mas epektibong maipatupad ang mga long-term development programs.

Isinagawa rin ang isang motorcade na dumaan sa mga bayan ng Malasiqui, Bayambang, Bautista, Alcala, at Santo Tomas, kung saan sinalubong siya ng taumbayan.

Noong Marso 19, nagpulong naman si Revilla kasama ang mga opisyal ng barangay mula sa Lingayen at Mangatarem upang talakayin ang mga kinakailangang reporma sa lokal na pamahalaan.

“Ang mga barangay ang unang takbuhan ng ating mamamayan. Kailangang tiyakin natin na may sapat silang panahon at suporta upang maipatupad ang kanilang mga proyekto,” aniya.

Muli siyang nagsagawa ng motorcade sa Dagupan City, dumaan sa mga pangunahing distrito pangkalakalan at pampublikong palengke, kung saan muling ipinakita ng mga residente ang kanilang suporta.

Sa huling araw ng kampanya noong Marso 20, dumalo si Revilla sa Crops and Fisher’s Day sa Alaminos City, bilang pagkilala sa mga magsasaka at mangingisda na mahalaga sa ekonomiya at seguridad sa pagkain.

“Kung walang magsasaka at walang mangingisda, walang pagkain sa hapag ng bawat Pilipino. Kaya marapat lamang na mas lalo silang suportahan,” ani Revilla.

Bilang bahagi ng kaniyang plataporma, itinataguyod niya ang programang “Pagkain sa Bawat Hapag” upang mas bigyan ng suporta ang sektor ng agrikultura at pangingisda, kasabay ng iba pang mga pro-people na proyekto.

“Ang tunay na lider, hindi lang nangangako – tumutupad, kumikilos, at hindi nang-iiwan. Ito ang Aksyon sa Tunay na Buhay,” pagtatapos ni Revilla.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble