MAKATUTULONG ang reward money ng Department of Justice (DOJ) laban kina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating BuCor Superintendent Ricardo Zulueta.
Ito ang iginiit ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo upang tuluyang mahuli ang dalawang itinuturong suspek sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Fajardo, umaasa sila na sa pamamagitan ng reward ay lalantad ang mga may impormasyon sa kinaroroonan nina Bantag at Zulueta.
Kasabay nito, muling nanawagan si Fajardo sa dalawa na sumuko at harapin ang isinampang reklamo sa kanila.
Una nang naglabas ng warrant of arrest ang Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 at Las Piñas Regional Trial Court Branch 254 laban kina Bantag at Zulueta dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay kina Lapid at Jun Villamor noong nakaraang taon.