Robin Padilla, “aayusin” ang Philippine Justice System sakaling maging senador

Robin Padilla, “aayusin” ang Philippine Justice System sakaling maging senador

ISA ang justice system ng bansa sa nais na ayusin  ni senatorial candidate Robin Padilla sakaling palarin na maging senador sa darating na halalan.

Sa isang eksklusibong panayam ni Pastor Apollo C. Quiboloy, Executive Pastor ng The Kingdom of Jesus Christ, sa SMNI Exclusives araw ng Martes, ipinunto ni Padilla na pagdating sa krimen ay hindi dapat mahigpit sa mga mahihirap.

Paliwanag ng senatorial aspirant, madalas lumalabag sa batas ang mga mahihirap dahil na rin sa estado ng kanilang buhay.

“Halimbawa, ito pareho silang drug dealer. Itong mahirap dapat ang sentensya nito mas mababa kaysa doon sa mayaman kasi ‘yung mayaman wala naman siyang problema para pumasok siya sa ganung negosyo, pwera nalang kung itong mahirap yumaman na ‘yun pa rin ang negosyo, ay hindi pwede. Kailangan ‘yung mga 1st offender, hindi natin yan dapat pinahihirapan. Mahirap na ‘yan eh,” pahayag ni Padilla.

Ipinunto din ni Padilla na sakaling ipatupad ang death penalty ay dapat ipataw ito sa mga taong totoong masama o may malakas na kagustuhan na gawin ang krimen.

Hindi dapat maging patas sa mga taong nagkamali sa batas ang mga tao na aniya ay wala namang problema sa pera.

“Kailangan sa lahat ng bagay yung taong wala ka namang problema sa pera ba’t ka pumasok sa negosyong iyan. Mayaman ka na eh, may pera ka na, pumasok ka pa sa negosyong ‘yan. Aba’y dapat ka nang masentensyahan ng kamatayan dahil masyado ka nang masama. Pero yung mahirap, dapat tayo medyo meron tayong konting heart pagdating sa mga mahihirap,” ani Padilla.

Sa kabila nito ay nilinaw ni Padilla na upang mabawasan ang krimen ay hindi sapat na  justice system lamang ang babaguhin.

Mahalaga aniya na baguhin ang tao sa tulong na rin ng mga nakapalibot sa kanya o ng kanyang komunidad.

Kinokonsidera din niya na tutukan ang values formation ng mga Pilipino upang mabawasan ang krimen.

 

BASAHIN: Mga taga-Sabah, dapat makonsulta kung gusto pa bang makasama sa Pilipinas –Robin Padilla

Follow SMNI News on Twitter