STO. TOMAS, DAVAO DEL NORTE – Patuloy na ipinapakita ng kanyang mga tagasuporta ang kanilang matibay na paninindigan kay Senatorial Candidate Pastor Apollo C. Quiboloy, matapos dagsain ng libu-libong katao ang ginanap na “Ayusin Natin ang Pilipinas” campaign rally sa Sto. Tomas ngayong araw.
Hindi naging hadlang ang kawalan ng ipinamimigay na ayuda o ang mainit na kontrobersiyang kinakaharap ng Pastor upang mamayani ang sigasig ng kanyang mga tagasuporta. Marami sa mga dumalo ay kusang-loob na pumunta sa lugar — ang iba’y lumakad pa ng ilang kilometro — upang makiisa sa kampanya at marinig ang kanyang mga adbokasiya.
Hindi gaya ng ibang mga kampanyang pinupuntahan dahil sa mga libreng bigas, pagkain, o cash assistance, ang rally ni Pastor Quiboloy ay nanindigan sa prinsipyo ng malinis at makabayang pulitika. Ayon sa organizers, layunin nilang “hindi bilhin, kundi pukawin ang konsensya ng mamamayan upang bumoto nang may pag-iisip.”
Nagpakita ng suporta ang mga barangay leaders, kabataan, senior citizens, at ilang Muslim elders mula sa mga kalapit-lalawigan. Sa kabila ng mga batikos, nananatiling mataas ang kumpiyansa ng maraming taga-Mindanao sa liderato ni Pastor Quiboloy, na kinikilala nilang bahagi ng kanilang komunidad.