TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na may sapat na stock ng bigas sa bansa na tatagal kahit matapos ang El Niño phenomenon sa susunod na taon.
Pahayag ito ng Pangulo kasunod ng pakikipagpulong sa industry players sa pangunguna ng Private Sector Advisory Council at ng Philippine Rice Stakeholders Movement (PRISM) sa Malacañang.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, manageable at stable ang rice situation sa bansa.
Nitong Martes, iprinisenta ng Department of Agriculture (DA) at Philippine Rice Stakeholders Movement kay Pangulong Marcos ang rice supply outlook para sa bansa hanggang sa katapusan ng 2023.
Nagpatawag ang Pangulo ng pulong upang pag-usapan kasama ang mga stakeholder, ang patungkol sa kalagayan ng industriya ng bigas at mga hakbang upang matiyak ang sapat na suplay nito sa bansa.
Sa naturang meeting, sinabi ni DA Undersecretary Merceditas Sombillo na sa kabila ng mababang senaryo na may assumption na mapanatili ang antas ng produksiyon, ang inaasahang ending stock para sa 2023 ay 1.96 million metric tons (MMT), sapat na para tumagal ng 52 araw.
Idinagdag ni Sombillo na ang ending stock projection batay naman sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, ay nagpapakita ng mas magandang senaryo.
Ito’y dahil ang ending stock ay inaasahang nasa 2.12 MMT, na tatagal ng 57 araw.
Mababatid na nakatakdang magsimula ang panahon ng pag-aani ng palay sa Setyembre hanggang Nobyembre.
Sa panayam naman matapos ang pulong, tiniyak ni Rowena del Rosario-Sadicon, ang lead convenor ng PRISM, sa publiko na magkakaroon ng sapat na suplay ng bigas hanggang sa katapusan ng taon.
Sinabi ni Del Rosario-Sadicon na positibo ang resulta ng pagpupulong kay Pangulong Marcos kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC).