SA bawat tagumpay at pag-apak sa entablado, may mga kuwentong hindi kita ng tao- ang sakripisyo at pagod sa likod ng tagumpay ng pambansang boy group na SB19.
Puhunan nila ay dedikasyon at pagmamahal sa mga tagahangang sumusuporta hanggang sa dulo.
Sa kanilang official YouTube channel, ipinasilip ng Kings of P-pop ang mga eksena sa likod ng kamera sa kanilang preparasyon sa nakaraang kickoff concert ng Simula at Wakas.
Kitang-kita sa vlog nila na sa kabila ng pagod ay masaya pa rin ang grupo sa kanilang mga rehearsal at pag-praktis, kaya naman bumuhos ang magagandang komento at suporta mula sa A’TIN at mas lalo pa silang minahal at hinangaan.
Nakita rin ang kanilang teamwork at talento sa paggawa nila ng dance steps, katulad ni Justin at Stell na siyang choreographer sa kantang “8TonBall,” at ang talent sa concert productions, kabilang ang blockings, dance transitions, lightings, sounds at sa buong mechanics.