Sec. Frasco umalma sa maling ulat ng HelloSafe na sumira sa imahe ng Pilipinas sa turismo

Sec. Frasco umalma sa maling ulat ng HelloSafe na sumira sa imahe ng Pilipinas sa turismo

BILANG isa sa mga pangunahing destinasyon sa Asya, kilala ang Pilipinas sa likas nitong ganda, mayamang kultura, at masigabong pagtanggap sa mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Subalit ang imaheng ito ng bansa ay nabahiran ng dungis matapos isapubliko ng HelloSafe ang isang ulat na nagtatakda sa Pilipinas bilang “least safe country” para sa mga biyahero.

Ang ulat na iyan pinalagan ng Department of Tourism (DOT).

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco, hindi lamang walang basehan ang naturang ranking, kundi ginawa ito gamit ang kaduda-dudang datos, walang malinaw na metodolohiya, at walang transparency sa pinanggalingang impormasyon.

“What was presented as an objective safety index was, in fact, built on questionable data, lacking in transparency, and entirely disconnected from realities on the ground,” pahayag ni Sec. Christina Garcia Frasco, Department of Tourism.

Lumabas sa pagsusuri ng DOT na ang website ng HelloSafe ay mas nakatuon sa commercial interest—partikular sa pagbebenta ng travel insurance—imbis na maglabas ng makatotohanang safety index para sa mga biyahero.

Ayon sa kalihim, kapuna-puna ang kawalan ng malinaw na metodolohiya, hindi matukoy na pinanggalingan ng datos, at paggamit ng parehong score na 82.32 para sa magkaibang bansa sa loob lamang ng anim na araw.

“Moreover, a thorough examination of HelloSafe’s websites reveal a focus on driving travel insurance sales rather than ensuring accurate safety assessments as it clearly lacked full methodology disclosure or identifiable data sources, reusing the identical score (82.32) for different countries in just 6 days,” aniya.

Bagamat binago na ng HelloSafe ang kanilang listahan at inalis ang Pilipinas, giit ni Frasco, hindi sapat ang basta-bastang pagbura sa pangalan ng ating bansa mula sa index nang walang anumang paliwanag, pag-amin ng pagkakamali, o pananagutan sa pinsalang naidulot nito.

“Most concerning, when the flaws became evident, the Philippines was simply removed from the index narrative —without clarification or accountability,” dagdag nito.

Binigyang-diin din ni Frasco na kinikilala ng pamahalaan ang mga hamon sa seguridad sa Pilipinas gaya ng anumang bansa sa mundo.

Ngunit giit niya, araw-araw ay may malawakang pagtutok upang tugunan ang mga ito.

Aniya, ang nasabing naratibo ay nagdulot ng pagkaantala ng bookings, pagkalugi ng negosyo, at pagkasira ng kabuhayan ng mga milyun-milyong Pilipinong umaasa sa turismo.

“The impact of this false narrative is not abstract. It disrupted bookings and businesses. It cast doubt on our destinations. Worse, it harmed the livelihoods of millions of Filipinos who depend on tourism, and entire communities whose economies rise and fall with the confidence of travelers,” aniya pa.

Nanawagan si Frasco sa HelloSafe na itama hindi lamang ang pangunahing ulat kundi pati ang lahat ng kaugnay na references at interactive visual tools na naglalaman ng maling datos. Kasabay nito, hinimok din niya ang mga media outlets na iwasto ang kanilang mga inilathala at inilabas na impormasyon na walang sapat na beripikasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble