SA kabila ng apela ng Department of Justice (DOJ) at House of Representatives, wala pa ring senyales na uuwi na ng bansa si Negros Oriental 3rd District Cong. Arnie Teves.
Ito ay kahit una nang tiniyak ni DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla at House Speaker Martin Romualdez ang seguridad ng kongresista matapos sabihin ng kampo nito na sobra itong nangangamba sa kaniyang kaligtasan.
Ayon kay Remulla, hindi dapat gawing palusot ang isyu ng seguridad ng kongresista para hindi nito harapin ang inaakusa sa kaniya.
Matatandaan na dalawang suspek sa Degamo case ang kumanta na isang Cong. Teves ang nag-utos para patayin nila si Degamo.
Sa pabibigay ng seguridad kay Teves, ayon kay Remulla hindi dapat mabigo dito ang gobyerno.
Samantala, nakatakdang lumuwas ng Maynila para makipagdayalogo sa DOJ ang ilang mga alkalde ng Negros Oriental kasama na si Pamplona Mayor Janice Degamo, ang asawa ng napatay na si Gov.Roel Degamo.
Marami pa anila kasing krimen ang gustong paimbestigahan ng mga taga-Negros Oriental.
Handa rin umano pakinggan ni Remulla ang mga apela ng mga ito.
Una nang nanawagan si Mayor Janice Degamo na ma-freeze ang mga asset ni Cong. Arnie Teves.
“We will hear all pleas. Those things can be done in due process,” ani Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.