TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa mga simbahan, sa pagsisimula ng simbang gabi.
Ipinag utos na ng PNP sa mga tauhan nito para tiyakin na magiging ligtas ang pagdaraos ng simbang gabi ngayong panahon ng kapaskuhan.
Bukod sa mga parokya, pinag iingat din ang publiko sa mga iiwanang tahanan para makaiwas sa mga kawatan.
Isa ang Baclaran Redemptionist Church sa maraming simbahan sa Metro Manila na dinadagsa hindi lang tuwing papasok ang panahon ng kapaskuhan kundi maging ordinaryong araw.
Pero isa rin ito sa mga naapektuhan dahil sa pagtama ng pandemiya sa bansa.
Kumonti ang nagtutungo dito dahil sa pag-iingat laban sa COVID-19.
Ngayong taon dahil sa unti-unti pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa, pinapayagan na ang maramihang pagtitipon basta nasusunod naman ang minimum health protocol.
Kaugnay nito, ipinag utos na ng PNP ang mahigpit na pagbabantay ng kanilang mga tauhan sa mga kahalintulad na lugar upang mapigilan ang masasamang loob na gumawa ng krimen.
Sa kabilang banda, nauna nang ipinag-utos ni NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao Jr. ang paggamit ng yantok ng mga kapulisan para masiguro na hindi magdidikit dikit ang tao at pwede rin magamit aa pagdidisiplina sa mga agresibong indibidwal.