Sektor ng transportasyon prayoridad sa hiring ng Czech Republic para sa mga Pilipino

Sektor ng transportasyon prayoridad sa hiring ng Czech Republic para sa mga Pilipino

PARA sa mga Pilipinong bihasa sa pagmamaneho at may karanasan sa transportasyon, bukas ang pinto ng Czech Republic para sa inyo.

Ayon sa mga opisyal, pinakamataas ngayon ang pangangailangan sa mga skilled driver, mula sa truck hanggang city bus, dahil sa patuloy na paglago ng kanilang logistics at public transport system.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na isa ang Czech Republic sa mga pinakamahalagang ka-partner ng Pilipinas sa Europa pagdating sa ligtas at maayos na pag-aalaga sa mga manggagawang Pilipino.

Ayon naman kay Czech Ambassador Karel Hejč, kabilang ang Pilipinas sa mga pangunahing pinagkukunan ng skilled workers ng kanilang bansa.

Paliwanag pa niya, mataas ang kalidad ng trabaho, serbisyong pangkalusugan, at social protection sa Czech Republic, kaya’t masaya silang makatrabaho ang mas maraming Pilipino.

Nasa mahigit 10,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Czech Republic kada taon, at malaki ang ambag nila sa ekonomiya ng nasabing bansa.

Nitong Lunes, sinimulan na ang selebrasyon ng Friendship Week, na layong palalimin pa ang ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng paggawa at kultura.

Kabilang sa mga aktibidad ang cultural exhibits at ang “Kamustahan” kasama ang ilang OFWs.

“It’s not only celebration of what we have but also building up to what we will have in the future—relations that [are] even much stronger. And I very much hope that the more than 11,000 Filipinos that already live and work and found a new home in the Czech Republic will be soon joined by many more,” pahayag ni Ambassador Karel Hejč, Czech Republic to the Philippines.

Nitong Martes, itinuloy ang job fair kung saan maaaring mag-apply ang mga Pilipino sa mga trabaho tulad ng:

  • Manufacturing at Factory Workers
  • Skilled Workers at Technicians
  • Construction Workers
  • Healthcare Workers
  • Food and Hospitality Staff
  • Logistics
  • At higit sa lahat, sa sektor ng transportasyon

Ang mga trabahong ito ay may panimulang sahod na €2,000 hanggang €3,000 Euros o katumbas ng 125,000 hanggang ₱188,000 kada buwan, depende sa kasanayan at oras ng trabaho.

Ayon kay Ambassador Hejč, ang Czech Republic ay host ng pinakamalaking distribution center ng Amazon sa Central at Eastern Europe. Dahil dito, ang pinakamataas na demand ng trabaho ay nasa hanay ng transportasyon.

“Starting there, we can go across all drivers’ profession—to city bus drivers—that all the cities in the Czech Republic, including Prague, [have a] highly developed system [and] network of city transportation.”

“For all kinds of transportation, we need skilled drivers,” dagdag ni Ambassador Karel Hejč.

Dagdag pa ni Hejč, hindi lang basta posisyon ang kailangang punan kundi mga taong may puso sa trabaho. Aniya, likas sa mga Pilipino ang dedikasyon, adaptability, at mataas na kalidad ng serbisyo, kaya’t mataas ang kumpiyansa ng Czech Republic sa kanilang kakayahan.

Kaya naman hindi malayong sa mga darating na taon, mas dumami pa ang mga Pilipinong makatatagpo ng bagong tahanan at kinabukasan sa gitna ng Europa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble