Sen. Alan Cayetano, pormal nang inireklamo ni Sen. Nancy Binay

Sen. Alan Cayetano, pormal nang inireklamo ni Sen. Nancy Binay

PORMAL nang naghain ng reklamo si Senadora Nancy Binay sa Ethics Committee ng Senado laban kay Senador Alan Peter Cayetano, Lunes ng umaga.

Ito nga’y matapos na magsagutan ng dalawa sa pagdinig ng Committee on Accounts kamakailan patungkol sa umano’y paglobo ng budget para sa pagpapatayo ng New Senate Building (NSB).

Batay sa isinumiteng dokumento, iginiit ni Binay na naging unparliamentary umano ang asal ni Cayetano sa gitna ng pagdinig.

Matatandaan na tinawag ni Cayetano na “marites” si Binay, isang sikat pero negatibong termino na ang ibig sabihin ay mahilig magpakalat ng tsismis o maling impormasyon.

Sa kabila nito, iginiit naman ni Cayeteno na hindi siya takot sa reklamo ni Binay.

 “Alam naman niya na walang mangyayari jan sa ethics case. So, puwede ko rin siya filan ng ethics dahil unethical din ‘yung pinaggagawa niya. Di ka puwedeng di ka member puwede kang mangguulo doon. Nagsasalita pa ang Chairman gusto mo mauna ka? Pinagbigyan ka na tapos magwawalkout ka in that manner,” ayon naman kay Sen. Alan Peter Cayetano, Chair, Committee on Accounts.

Binay, nililihis lamang ang isyu sa New Senate Building —Cayetano

Ipinunto naman ni Cayetano na dapat na tutukan ni Binay ang isyu kung magkano nga ba talaga ang halaga ng pagpapatayo ng New Senate Building.

Huwag na umano sanang ilihis ni Binay ang isyu dahil hindi naman ang personal nilang away ang dapat na pag-usapan.

Hanggang ngayon ay hindi pa sigurado kung kailan matatapos at magkano ang gagastusin para makumpleto na ang bagong gusali.

“Yun ang kaniyang intensiyon eh na ang news ay kami imbes na ang news ay ‘yung building. Magfile ka ng ethics ngayon pero ang sagot ko sayo “eyes on the ball Sen. Nancy,” ani Cayetano.

Nilinaw naman ni Cayetano na wala siyang sinasabi na may nangyayaring kurapsyon sa pagpapatayo ng gusali.

“Wala pa tayong sinasabing anomalya pero bakit ganun ang reaksyon mo. Bakit ka galit na galit? Bakit mo talagang nililihis? Don’t discredit this inquiry. Kahit sino ang magsasagawa ng inquiry na to, it is clear to me na i-dediscredit ni Sen. Nancy,” giit ni Cayetano.

Ang susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa New Senate Building ay isasagawa sa Hulyo 10, araw ng Miyerkules.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble