Sen. Bato, Bong Go ‘di nababahala sa kandidatura sa kabila ng isyu sa mga Duterte

Sen. Bato, Bong Go ‘di nababahala sa kandidatura sa kabila ng isyu sa mga Duterte

NAGHAIN na ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) ang mga reelectionist na sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go, araw ng Huwebes, Oktubre 3, 2024.

Noon pa man na mga baguhan pa sa politika ang dalawang senador ay kilala na ang mga ito na kaalyado ng mga Duterte.

Kaya hindi nakaiwas ang dalawa sa mga tanong na may kaugnayan sa dating pangulo at sa mga isyu na nakadikit sa pamilyang Duterte.

Ayon kay Sen. Dela Rosa, lahat ng nangyayaring imbestigasyon na nag-uugnay sa mga Duterte at sa mga kaalyado nito ay pawang demolition job upang hindi na makabalik ang mga Duterte sa puwesto at damay pati mga kaalyado nito.

Kaya para sa kaniya, hahayaan niya na lang ang taumbayan ang humusga para sa kanila.

“Alam naman natin ‘yung what’s behind this investigation they form, grand demolition jobs against us, the Duterte and the ally of the Duterte so I leave that to the people, the people know what’s the real score, ang taong bayan na ang mag-decide kung totoo o hindi, makikita natin ‘yan sa resulta ng election,” pahayag ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Aminado si Sen. Dela Rosa na maaaring maapektuhan ang kaniyang kandidatura dahil sa mga alegasyon na ibinabato laban sa kanila ngunit tiwala siya na makakabalik pa rin siya sa Senado dahil sa suporta ng mga Pilipino.

“Yes it may affect either way, pwede akong manalo, pwede akong matalo dahil diyan sa gulo na ‘yan but I incline to believe doon sa mananalo tayo, may effect talaga ito plus, minus” aniya pa.

Para naman kay Sen. Bong Go, isang karangalan ang maindorso sila ng dating Pangulong Duterte.

“Of course PDP kami at iniindorso kami ni dating Pangulong Duterte at ako’y naniniwala sa kanyang very strong endorsement,” wika ni Sen. Christopher “Bong” Go.

Kaya ang mga programa na kanilang isusulong ay may kaugnayan sa mga programa noon ni FPRRD upang ito ay maipagpapatuloy.

“Of course, I’m running under PDP, chairman po namin si Pangulong Duterte, ‘yung mga programang aming isusulong ay naaayon din po sa mga magagandang programa nya noon na gusto namin ipagpatuloy na may tapang at malasakit sa kapwa Pilipino,” ani Sen. Go.

Sen Robin Padilla patuloy na umaasa na tatakbo sa pagkasenador si FPRRD

Samantala, kaugnay nito, sinamahan naman ni Sen. Robin Padilla sina Bato at Bong Go sa kanilang paghahain ng COC.

Sa isang panayam, sinabi ni Padilla na hanggang ngayon ay umaasa siya na tatakbo sa pagkasenador si dating Pangulong Duterte.

“Ako hanggang ngayon nakikiusap kay Mayor na tumakbo bilang partido, ako ang presidente ng PDP gusto ko na tumakbo sya kung hindi siya, isa sa mga anak nya ang tumakbo kasi para sa amin napakahalaga sa PDP na may Duterte, kasi ang PDP ay Duterte,” ayon kay Sen. Robin Padilla.

Tungkol naman sa tanong kung may kakayahan pa ba na magsilbi para sa bayan ang dating pangulo gawa nang ito ay matanda na, ito ang naging sagot ni Padilla.

“Mas matindi ang wisdom, ang kailangan natin sa leader natin ay ang wisdom at nakita naman natin ang wisdom ni Pangulong Duterte noong panahon ng pandemic, nalagpasan natin ang pandemic dahil sa wisdom ng matanda,” dagdag ni Padilla.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble