PERSONAL na dumalo si Senator Christopher ‘Bong’ Go sa ginanap na groundbreaking ng Super Health Center sa bayan ng Ubay at namahagi ng ayuda at tulong-pinansiyal para sa mga residente ng bayan ng Talibon at Ubay sa lalawigan ng Bohol.
Puso at patuloy na pagmamalasakit ang pinapairal ni Sen. Go upang makatulong sa pag-ahon ng mga Pilipino mula sa kahirapan gaya na lamang ng personal na pagdalo nito sa groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa Ubay Bohol nitong Abril 27.
Katuwang ang Department of Health (DOH) at lokal na pamahalaan ng Bohol sa programang ito ng senador na mailapit ang mga healthcare services sa mga Boholanong nangangailangan ng tulong nito.
Kasama ng senador ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng Bohol na pinangunahan ni Gov. Erico Aristotle Aumentado, Vice Governor Victor Balite, Second District Representative Congresswoman Vanessa Aumentado, Ubay Mayor Costan Reyes, Vice Mayor Victor Bonghanoy, Talibon Mayor Janet Garcia, mga opisyales at miyembro ng DOH, DSWD, SB members at mga barangay captains.
Ang pagtatag ng mga Super Health Center sa mga remote areas ng bansa ay bahagi ng adbokasiya ng senador na pahusayin ang sektor ng pangangalagang pangkalusugan at tiyakin na ang mga mahihirap na Pilipino ay may access sa mga pangunahing serbisyong medikal.
“Napansin ko noon, sa napakalayong lugar, walang access sa ospital yung mga buntis at manganganak na lang sa jeep at tricycle sa layo ng biyahe; nanganganak na lang po d’yan sa tabi-tabi. Kaya ngayon po, magkakaroon na po ng Super Health Center sa kanilang komunidad. Para ito sa mga kababayan natin sa malalayong lugar, makakatulong po ito lalo na sa mga mahihirap,” ayon kay Sen. Go.
Namahagi rin si Go ng AICS pay-out at mga grocery items sa 1,000 beneficiaries at binisita ang Malasakit Center sa Don Emilio del Valle Hospital.
Habang sa Talibon naman ay binisita ng senador ang Super Health Center na malapit nang matapos kung saan nasa 70 porsyento na ang konstruksyon nito.
Namigay rin ito ng mga bisikleta, cellphone, sapatos, bitamina, bola ng basketball at volleyball, at mga damit sa mga piling indibidwal.
May nakalaang pondo na rin para sa pagtatayo ng Super Health Centers sa Buenavista, Candijay, Dauis, Sagbayan, Talibon, Antequera, Balilihan, Bien Unido, Carmen, Panglao at Tagbilaran City.
Upang matiyak na matugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga Boholano, payo ng senador na lumapit sa dalawang Malasakit Centers na nasa Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center sa siyudad ng tagbilaran at Don Emilio del Valle Hospital sa lungsod ng Ubay kung saan maaari silang makapag-avail ng tulong-medikal na inaalok ng gobyerno.
“Sa mga pasyente, lapitan niyo lang ang Malasakit Center dahil para ‘to sa inyo. Kung may hospital bill kayo, nandiyan ang mga ahensya ng gobyerno na tutulong para mabayaran ito,” dagdag ni Sen. Go.
Sa kabuuan, may 157 Malasakit Centers na sa buong bansa at nakapagsilbi na sa mahigit 7 milyong mga Pilipino.