Sen. Bong Go, nagbigay ng tulong sa displaced workers ng Makilala, North Cotabato

Sen. Bong Go, nagbigay ng tulong sa displaced workers ng Makilala, North Cotabato

SADYANG ang pagtulong sa kapwa ang bisyo nang maituturing ni Sen. Christopher “Bong” Go dahil noong nakaraang Lunes, Oktubre 9, personal na pinuntahan ng butihing senador kasama ang kaniyang grupo ang bayan ng Makilala, North Cotabato upang magbigay tulong para sa 481 na mga kababayang nawalan ng trabaho.

Kabilang sa mga pinamahaging tulong ay pagkain, masks, vitamins, shirts, bolang pambasketball at volleyball. May iilang indibidwal naman ang nakatanggap ng bisikleta, cellphone, sapatos, at relo.

Habang namahagi rin ng livelihood assistance ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga displaced worker.

Sa panayam kay Sen. Go, muling nabanggit ng senador na may 159 Malasakit Centers na ang naipatayo at 600 na Super Health Centers naman ang ipatatayo pa sa buong Pilipinas.

“Ang aking prayoridad bilang inyong senador, kagaya ng aking nabanggit, meron na tayong 159 Malasakit Centers sa buong Pilipinas. Batas na po ‘yan na aking pinagsikapan na pinirmahan ng dating Pangulong Duterte at meron din kayong sariling Malasakit dito sa North Cotabato, sa inyong provincial hospital. Ang pangalawang prayoridad ko po, ito pong Super Health Center na ipapatayo. May mahigit na 600 na Super Health Centers na ipapatayo sa buong Pilipinas at mahigit 10 super health centers na ipapatayo dito sa probinsiya ng North Cotabato,” saad ni Sen. Christopher “Bong” Go, Republic of the Philippines.

Dagdag pa ni Sen. Go bilang chairman ng Committee on Health na dapat unahin ang kalusugan ng mamamayang Pilipino.

Bilang chair ng Committee on Health, unahin talaga natin ang kalusugan ng bawat Pilipino dahil ang katumbas po ng kalusugan ay buhay po ng bawat Pilipino,” dagdag ni Sen. Go.

Ang nasabing relief activity ay dinaluhan nina Gov. Lala Tanio-Mendoza, Vice Gov. Efren Pinol, Mayor Armando Quibod, Vice-Mayor Ryan Tabanay, at ilang miyembro ng Sangguniang Bayan.

Samantala, sa kaparehong araw ay personal ding pinuntahan ni Mr. Malasakit ang bayan ng Esperanza, Sultan upang masaksihan ang groundbreaking ceremony para sa ipatatayong super health center sa naturang bayan.

Ang pagpapatayo ng Super Health Center sa buong Pilipinas ay may layuning mailapit ang serbisyo-medikal para sa mga Pilipino lalo na sa mga kababayang nakatira sa liblib na lugar.

Sa pamamagitan din nito, mas mapapadali ang pagbibigay ng primary care, libreng konsultasyon, at maagang pagkakatuklas ng karamdaman upang maiwasan ang paglubha nito.

Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan nina Gov. Pax Ali Mangudadatu, Mayor Charles Federic Plotenia, Vice-Mayor Lalaine Villaruel-Suhanda, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at Sangguniang Bayan, at mga barangay officials.

Follow SMNI NEWS on Twitter