NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Walang Gutom 2027: Food Stamp Program (FSP) – Caraga (Region XIII) Kick-off sa Siargao Island, Surigao del Norte nitong Setyembre 29, 2023.
Ang programa ay bilang pagtupad sa layunin ng administrasyon na palakasin ang seguridad sa pagkain at tugunan ang malnutrisyon na patuloy na nakaaapekto sa mga pamilyang Pilipino.
Nagbigay ang DSWD sa eligible Filipinos ng access sa monetary-based assistance sa anyo ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card na kakargahan ng food credits.
Ang mga benepisyaryo ng FSP ay tumanggap ng PhP3,000 food credits, kung saan 50% ng halaga ay inilaan para sa carbohydrates-rich food, 30% para sa protina, at 20% para sa mga prutas at gulay.
Sa naturang programa, sinaksihan ni Pangulong Marcos Jr., kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang isang benepisyaryo gamit ang EBT card sa isang demonstrasyon sa mga booth ng Kadiwa ng Pangulo na nakalagay sa program venue.
Kabilang sa mga kalahok na booth ng gobyerno ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Statistics Authority (PSA), at mga katuwang mula sa multisectoral movement, ‘Pilipinas Kontra Gutom’.
Nilalayon ng FSP na magbigay ng food augmentation sa 1 milyong kabahayan na nauuri sa ilalim ng ‘food poor criteria’ na tinukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA).