LABIS ang pasasalamat ng mga Navoteño nang personal na bumisita dito si Senator Christopher ‘Bong’ Go kasabay ng pamamahagi nito ng tulong sa mga residente.
Groceries, bisikleta, cellphones, bolang pang basketball at volleyball, wheelchairs, tulong- pinansyal at iba pa.
Ilan lamang ito sa mga ipinahamagi ng senador sa mga indigent families at biktima ng sunog sa Navotas City.
Kasama ng senador ang mayor ng lungsod na si John Rey Tiangco pati ang mga konsehal nito kaya naman ramdam ng mga residente ang suporta sa kanila ng pamahalaan.
Isa lamang ito sa mga programa ni Sen. Go sa pagserbisyo sa mga nangangailangan habang patuloy nitong tinututukan ang pagsulong ng mga programang makatutulong sa kaginhawaan ng pamumuhay ng bawat Pilipino tulad na lamang ng Malasakit Centers at pagtatayo ng Superhealth at Regional Specialty Centers.
Ayon sa senador, dapat na unahin ng mga kinauukulan ang kalusugan ng bawat Pilipino lalo na at nabawasan ang budget ng Department of Health (DOH).
“Pagdating sa Senado, siguraduhin natin na madagdagan at mabalik ‘yung mga nawalang budget po para sa Department of Health. Unahin natin ang health, unahin natin ang health, dahil ang nakataya dito ay kalusugan at buhay ng bawat Pilipino,” ayon kay Sen. Christopher Go.
Cut off budget ng DOH, hindi makaaapekto sa pagtatayo ng Superhealth Centers—Sen. Go
Samantala, positibo naman ang butihing senador na hindi makaaapekto ang nabawasang budget ng DOH sa pagtatayo ng mga Superhealth at Specialty Centers sa bansa.
“Hindi naman po siguro dahil babantayan natin ito at isusulong po natin na maipagpapatuloy po itong Superhealth Center, dahil alam natin na makatutulong po ito sa mga kababayan natin lalong lalo na po sa mga mahihirap na munisipyo na walang Health Center, na walang ospital sa kanila na kailangan pa nilang magbyahe ng tatlong oras, ‘yung mga buntis nanganganak sa tricycle, sa jeepney dahil napakalayo po ng mga ospital. With the Superhealth Center, ilapit natin ang serbisyong medical sa ating mga kababayan,” dagdag ni Sen. Go.
Dagdag pa ng senador, prayoridad nito at ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na maisulong ang Superhealth at Specialty Centers upang patuloy na mailapit ang mga serbisyong medikal sa mga Pilipino.