MULING hinimok ni Senator Win Gatchalian ang mga punong-guro at mga school heads na magpatupad ng blended learning sa kabila ng napakainit na panahon.
Ipinanawagang muli ito ng chairperson ng Senate Committee on Basic Education matapos baguhin at i-upgrade ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kanilang warning status sa El Niño Alert mula El Niño Watch.
Ayon sa ahensiya, maaaring mangyari ang El Niño sa Hunyo, Hulyo, at Agosto at maaaring magpatuloy ito hanggang sa unang tatlong buwan ng 2024.
Paalala ni Gatchalian, ang pinakaimportanteng responsibilidad ng principals ay ang kapakanan o kalagayan ng ating mga estudyante.
Kung nakikita nila na sobrang init o may bagyo o anumang hindi maganda sa kanilang lugar, pwedeng mag-cancel ng klase ang ating principals o di kaya ay mag blended learning.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 037 s. 2022, kailangang ipatupad ang modular distance learning, performance tasks, projects, o make up classes kasunod ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase.
Ito ay upang matiyak na nagpapatuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral.