Sen. Gatchalian nanawagan sa pamahalaan na ilaan ang subsidiya sa kuryente sa mga aktwal na benepisyaryo

Sen. Gatchalian nanawagan sa pamahalaan na ilaan ang subsidiya sa kuryente sa mga aktwal na benepisyaryo

KASUNOD ng paglagda kamakailan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11552 o ang Act Extending and Enhancing the Implementation of the Lifeline Rate hanggang 2050, nanawagan si Senador Win Gatchalian sa gobyerno na tiyakin na ang mga pinakamahihirap na Pilipino ang makikinabang sa lifeline rate subsidy.

Sa ngayon ay hindi pa updated ang listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan na tumutukoy sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa na dapat makinabang sa mga subsidiya o ayuda.

Pinangangambahan ng senador na baka mailaan sa iba at hindi sa mga aktwal na benepisyaryo ang naturang ayuda sa kuryente.

Sa ilalim ng batas, ang mga kwalipikado sa nasabing subsidiya ay ang mga  benepisyaryo ng 4Ps batay na rin sa pamantayang itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ang kalalagdang IRR para sa RA 11552 ay inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Isinabatas noong Mayo 2021 ang RA 11552 na nagpapalawig ng subsidiya sa mas mahabang panahon para sa mga mahihirap na konsyumer ng kuryente sa bansa.

Binigyang-diin ni Gatchalian, na nagsisilbing vice-chair ng Senate Committee on Energy, na ang pagpapalawig ng probisyon ng subsidy ng gobyerno para sa mga marginalized electric consumers ay makabuluhan dahil sa kawalan ng katiyakan sa ekonomiya na dala ng sunud-sunod na krisis bunga ng epekto ng pandemya at ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Follow SMNI NEWS in Twitter