NAGPAHAYAG ng suporta si Senator Christopher Bong Go, chairman ng Senate Committee On Health sa gagawing National Vaccination Drive ng pamahalaan.
Hinikayat ni Go na suportahan din ito ng lahat ng sektor para sa pagpapabilis ng bakunahan sa bansa laban sa COVID-19.
Una ng sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na target ng three-day vaccination program na mapataas ang average daily vaccination rate ng hanggang 1 million doses para makamit ang population protection.
Paanyaya ni Go sa mga kababayan na magpabakuna na ang lahat at pumunta sa malapit na mga vaccination sites.
Aniya, paraan din ito ng pagpapakita ng malasakit sa mga frontliner.
“Let us be heroes in our own way and put a stop to the spread of this virus by getting vaccinated,” saad ng senador.
“Hinihikayat ko ang lahat na magpabakuna lalo na’t bukas na ang programa sa general population. Nasa datos naman na kung sino ang positibo at grabe ‘yung sintomas ay kadalasan sila ‘yung mga hindi pa bakunado,” giit ni Go.
Maliban dito ay patuloy naman nitong hinikayat ang pamahalaan maging ang private sector na magbigay ng insentibo para mahikayat ang mga nag-aatubili pa ring magpabakuna.
Suportado din nito ang mungkahi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magpalabas ng guidelines para sa mga fully vaccinated.
“Kung ma-relax natin kaunti ang mga travel restrictions at ibang protocols, inaasahan natin na mas maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan,”pahayag ni Go.
“Mas maraming mga kababayan natin ang makapaghanapbuhay at makabalik sa kani-kanilang mga trabaho muli. Ibig sabihin, mas maraming pamilya ang makabangon mula sa hirap na dulot ng pandemya,” dagdag ng senador.