PSA, patuloy na nakatutok na maabot ang target na 50 million Nat’l ID registration sa 2021

PSA, patuloy na nakatutok na maabot ang target na 50 million Nat’l ID registration sa 2021

PATULOY na nakatuon ang Philippine Statistics Authority (PSA) na makamit ang target nitong makapagrehistro ng hindi bababa sa 50 milyong Pilipino sa PhilSys sa pagtatapos ng 2021.

Mahigit 40 milyong Pilipino na ang nairehistro ng Philippine Statistics Authority sa central identification platform na Philippine Identification System (PhilSys).

Sa pinakahuling pahayag ng PSA, sinabi nito na as of October 31, 40, 264, 550 na Pilipino na ang nakakumpleto ng kanilang Step 2 registrations kung saan kabilang ang pag-verify sa demographic information ng registrant at pagkuha ng kanilang biometric data, tulad ng fingerprints, iris scans, at front-facing photographs.

Saad ni PSA Assistant Secretary and Deputy Statistician Rosalinda Bautista sa isang panayam na may anim hanggang pitong linggo pa sila para trabahuin ang natitirang 9 million at inaasahan nilang magrerehistro rin online ang iba.

Sa tulong naman ng Land Bank of the Philippines, mahigit 5.9 million PhilSys registrants ang nagawang makapagbukas ng kanilang sariling bank account sa unang pagkakataon.

Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng co-location ng Landbank sa PSA sa mga itinalagang PhilSys registration centers sa buong bansa. Maaari ding mag-download at magbukas ng account ang mga nagparehistro sa pamamagitan ng e-wallet account ng Landbank.

Sa pamamagitan nito, magagamit ng mga Pilipino ang kanilang transaction accounts para mag-withdraw ng cash, magsagawa ng cashless transactions, mag-tap payment, mamili online at makatanggap ng subsidiya ng gobyerno.

Matatandaang isa sa mga inisyatibo ng national ID ay ang financial inclusion lalo na sa mga pamilya na mababa ang kita.

Mahigit tatlong milyong Pilipino na rin ang nakatanggap ng kanilang Philippine Identication Card (PhilID) as of October 31.

Sisimulan rin ng PSA ang paglunsad ng PhilSys mobile ID ngayong taon bilang alternatibo sa Physical ID habang nakakaranas ng pagkaantala ang paghahatid ng mga ID.

Hinihikayat ng PSA ang mas maraming mamamayan na magparehistro sa PhilSys para magkaroon ng mas madaling access sa social protection, kalusugan, edukasyon, at iba pang serbisyo ng gobyerno.

Sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo ng susunod na taon, target ng PSA na matapos ang pagpaparehistro ng 90 milyong Pilipino.

SMNI NEWS