IKINABABAHALA ni Senator Christopher “Bong” Go ang kalusugan at seguridad ng mga residente sa bayan ng Oriental Mindoro dahil apektado ang mga ito ng oil spill dulot ng lumubog na motor tanker sa lugar.
Hinihikayat ni Sen. Go ang mga awtoridad na panagutin ang sinumang responsable sa nangyaring insidente ng oil spill na nakaapekto nang malaki sa mga residente ng lugar.
Binigyang-diin din ni Go ang epektong dulot ng nangyaring oil spill sa mga apektadong indibidwal, mga isda at marine life na maaaring makontamina dahil sa langis gayundin sa posibleng makapinsala sa sinuman na makakain nito.
“Dapat po ay gawin ng gobyerno ang lahat. Hindi lang po ang mga kababayan natin ang apektado dito. ‘Yung mga isda, kakainin ‘yun, kung safe pa bang kainin ang mga isda,” ani Senator Christopher “Bong” Go.
Ani Go, ang lawak ng pinsala ng oil spill ang dahilan kung bakit mahirap linisin ito kung kaya kinakailangan umano na may kakayahan at sapat na kagamitan ang gagawa nito.
“Dapat gawan ng paraan at managot ang nag-cause ng oil spill. Gastusan n’yo po para malinis ‘yan. Kawawa ang mga ordinaryong mamamayan,” dagdag ni Go.
Dagdag pa niya na dapat umanong gastusan ng sinumang may kagagawan sa nangyaring oil spill ang paglilinis nito at makipagtulungan sa pamahalaan.
Nanawagan din si Go sa pamahalaan na siguruhing na-maximize ang mga kagamitan para sa isasagawang cleanup effort at panagutin ang mga sangkot sa nangyaring insidente.
Batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang sa mga apektadong lugar ang Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria, Basud, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao.
Habang 76 na mga barangay sa munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pinsalang dulot ng oil spill.
Sa kabilang banda, matatandaang March 4 nang iulat ng Philippine Coast Guard na umabot ang oil spill sa isla ng bayan ng Caluya, Antique kung kaya March 6 nang isailalim ito sa state of calamity.
Samantala, inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya na bantayang maigi ang sitwasyon at gumawa ng kinakailangang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng oil spill lalo na sa mga tourist spot.