Sen. Grace Poe nanawagan ng hustisya para sa biktima ng ‘tanim-bala’

Sen. Grace Poe nanawagan ng hustisya para sa biktima ng ‘tanim-bala’

PINURI ni Sen. Grace Poe ang mabilis na aksiyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Dizon kaugnay ng muling paglitaw ng ‘tanim-bala’ scheme sa paliparan.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, nanawagan ang senadora na bigyan ng agarang tulong at suporta ang 69-anyos na biktima, na nakaranas ng matinding stress at abala dahil sa pananamantala ng mga mapanlinlang na airport personnel.

“Hindi dapat maranasan ng mga inosenteng biyahero ang takot at perwisyong dulot ng mga tiwaling tauhan sa paliparan. Ang kanilang tungkulin ay tiyakin ang seguridad, hindi ilagay sa panganib ang mga pasahero,” ani Poe.

Binigyang-diin din niya na dapat hindi na muling makabalik ang ganitong modus operandi, na matagal nang ibinulgar at sinupil ngunit tila bumabalik upang guluhin muli ang mga biyahero.

“Hindi dapat hayaang makabalik ang isang matagal nang sinawata na modus. Dapat managot ang mga nasa likod nito at tiyakin na hindi na muling manggugulo ang ganitong mapanlinlang na gawain,” dagdag niya.

Patuloy na nakabantay si Poe sa imbestigasyon upang matiyak na ang mga sangkot ay mananagot at hindi na muling mabibiktima ang mga inosenteng biyahero sa ganitong klase ng pananamantala.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter