NAGHAIN ng resolusyon si Senator Jinggoy Ejercito Estrada na nagsasaad ng matinding pagtutol ng Senado sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay may kaugnayan sa umano’y crimes against humanity na nangyari sa pagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na droga sa ilalim ng Duterte administration.
Sa kanyang Senate Resolution No. 492 na inihain araw ng Lunes, sinabi ni Estrada na isang kalapastanganan sa soberanya ng Pilipinas at paghamon sa kakayahang umiiral ang judicial system sa bansa ang naging desisyon ng Pre-Trial Chamber ng ICC na pahintulutan ang pagpapatuloy ng nasabing imbestigasyon.
Ipinunto ni Estrada ang pagsisikap ng pamahalaan na siyasatin ang naganap na war on drugs operations ng anti-narcotics group ng Philippine National Police (PNP) na nag-udyok sa PNP Internal Affairs Service (IAS) at Department of Justice (DOJ) para magsampa ng apat na kasong kriminal laban sa mga abusadong pulis.
Sabi pa ni Estrada na Nobyembre 10, 2021 pa lamang ay hiniling na ng Pilipinas na ipagpaliban ang mga imbestigasyon at paglilitis ng ICC batay sa complementary principle na pinapairal ng nasabing intergovernmental organization at international tribunal.