KAKASUHAN ng kasong libel ni National Transmission Commission (TransCo) President and CEO Atty. Melvin Matibag si Senator Manny Pacquiao.
Kaugnay ito sa pagpapalabas umano ni Pacquiao ng fake news sa isinagawang budget hearing para sa Department of Energy (DOE) na ginanap noong Huwebes sa Senado.
“Nirerespeto po natin ang resolusyon at pati po yung proseso po nila, ang hindi ko po kayang lunukin ay yung ginawa ni Senator Pacquiao na nag spread sya ng fake news na political propaganda sa isang sagradong hearing po na committee hearing,” pahayag ni Matibag.
Magugunitang sa pagdinig ng Senado, isang video ang ipinakita ni Pacquiao na ayon kay Matibay ay mistulang pinapalabas ng senador na masasamang tao silang dalawa ni Energy Sec. Alfonso Cusi.
“Ang ginawa niya ay naglabas sya ng video presentation pinortray nya kami ni secretary Cusi na mga masasamang tao, may video presentation po siya yun po yung hindi ko kayang tanggapin kasi hindi naman dapat nangyayari yun.”
“Sana po si Senator Pacquiao hindi niya gamitin yung Senado yung kanyang karapatan para naman po sa kanyang political purposes, at alam na alam naman po ng lahat na yung kanyang ginawa na yun is really politically motivated matagal na po napag-usapan ang issue na yan eh,” dagdag ni Matibag.
Ani Matibag, ito ang dahilan kaya napagdesisyunan niyang sampahan ng kaso ang senador.
Maliban sa libel case ay maghahain din si Matibag ng kaso sa Ethics Committee laban kay Pacquiao.
Humihingi naman ng paumanhin si Matibag kay Sen. Sherwin Gatchalian, na siyang nagpreside sa naturang budget hearing dahil sa inasal niya.
Magugunitang na “kick out” ni Sen. Gatchalian si Matibag dahil tinawag nitong namumulitika lang ang naturang hearing.
Nilinaw naman ni Matibag na si Pacquiao lang ang tinukoy niya sa hearing na “namumulitika”.