Sen. Padilla, binusisi ang panukalang amyenda sa pagtatalaga ng mga miyembro ng Hudikatura 

Sen. Padilla, binusisi ang panukalang amyenda sa pagtatalaga ng mga miyembro ng Hudikatura 

KAILANGAN bang amyendahan ang Saligang Batas para mas maging epektibo ang pagtatalaga ng mga miyembro at proseso na may kinalaman ang Hudikatura?

Ito ang nilinaw ni Senator Robinhood Padilla, Tagapangulo ng Committee on Constitutional Reforms ng Senado, sa mga opisyal ng Hudikatura na dumalo sa Senado nitong Lunes para sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa budget nila para sa 2023.

Binigyang-diin ni Padilla na nabuksan ang usapin ng posibleng pag-amyenda ng proseso ng paghirang o appointment ng Punong Mahistrado, 14 na katuwang na mahistrado ng Korte Suprema, mga hukom at lahat na miyembro ng Hudikatura kasabay ng talakayan sa pag-amyenda ng Konstitusyon sa ilalim ng Committee on Constitutional Reforms.

 “Gusto ko pong malaman kasi sa akin bumagsak yan. Ang sabi kasi, nagiging political. Totoo po ba yan?” tanong ni Padilla kay Court Administrator Raul Villanueva.

Tinukoy ni Padilla ang pahayag ng beteranong abogado at resource person na si Atty. Estelito Mendoza noong pagdinig ng Committee on Constitutional Reforms, na ang appointment ng mga miyembro ng mahistrado ay naging “concentrated” na sa Pangulo at walang partisipasyon ng mga miyembro ng Kongreso.

“The Judicial and Bar Council and this Judicial and Bar Council is supposed to ‘depoliticalize’ the process. But… what has happened is that the appointment of members of the judiciary has now been concentrated on the president without the voice or participation of the members of Congress,” ani Mendoza.

Isa sa mga suhestiyon ni Atty. Mendoza ay ang pagbibigay ng boses sa mga miyembro ng Kongreso sa pamamagitan ng pagdaan ng mga itinalagang mahistrado ng Hudikatura sa Commission on Appointments (CA).

 “Sa inyong palagay kailangan bang amyendahan ang (Saligang) batas?” tanong ni Padilla.

Ayon kay Villanueva, ang nasabing suhestiyon ay nangangailangan ng rebisyon ng Saligang Batas,

“That will require an amendment to the Constitution. If it will be amended, the Judiciary interprets the law based on what is provided in the Constitution. Definitely, we will follow if that will be provided by law or the Constitution.”

Dagdag ni Associate Justice Midas Marquez sa pagdinig nitong Lunes, ang proseso na dumadaan sa CA ang mga huwes at mahistrado ay proseso sa ilalim ng 1935 Constitution.

“Nung na-revise ang Konstitusyon during the 1986 Constitutional Commission, nakita po nila ang mga pros and cons ng pagdaan sa Commission of Appointments kaya minabuti nila noong panahong yan na magkaroon ng Judicial and Bar Council (JBC),” dagdag niya.

Bukas naman ang mga mahistrado sa posibilidad ng pagsilip sa rekomendasyon ng constitutional revision committee na itinatag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kasama ang pagdadagdag sa miyembro ng JBC.

 “By all means — basta makabuti sa ating bansa”, ani Associate Justice Marquez nang tanungin ni Padilla kung papayag silang silipin ang mga rekomendasyong ito.

 

Follow SMNI News on Twitter