NALABAG ba ng Philippine National Police (PNP) ang karapatang pantao ng mga misyonaryo ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) nang isagawa nito ang ‘di makatao’t marahas na pagsisilbi ng warrant of arrest sa KOJC religious compounds nitong Lunes, Hunyo 10?!
Ito ang gustong malaman ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla.
Kaya nga isang imbestigasyon ang ipinanawagan niya sa Senado para matukoy ang nangyaring “unnecessary and excessive force” sa naturang operasyon.
Binigyang diin ni Padilla na sa pagsilbi ng warrant ay dapat na siguraduhing hindi maaapakan ang dignidad ng mga sinuman maging ng mismong subject o target ng operasyon.
Ang resolusyon ay pormal niyang ihahain sa Hunyo 18, araw ng Martes.
“In serving warrants, law enforcement should take into consideration the totality of the situation at hand which should not in any way violate the dignity of persons … There is a need for the PNP to promote and protect human rights because these very acts are vital to the maintenance of public order, guarantee of public safety, and respect for the rule of law,” ani Padilla sa resolusyon na pormal niyang ihahain sa Martes, Hunyo 18.
Sa kaniyang resolusyon, gusto ni Padilla na hawakan ng nararapat na komite ng Senado ang “investigation in aid of legislation” sa marahas na operasyon ng mga armadong awtoridad sa mga religious compounds ng KOJC particular sa Davao City.
Aniya, mismong Art. II Sec. 4 ng 1987 Constitution ay nakasaad na pangunahing responsibilidad ng gobyerno na pagsilbihan at protektahan ang mga tao. Samantalang Art. II Sec. 11 ng Konstitusyon ang pagkilala sa dignidad ng mga tao na may kasamang respeto sa human rights.
Dagdag niya, may Human Rights-Based Policing (HRBP) policy ang PNP, at iginiit ng guidebook nito na obligado itong irespeto ang karapatang pantao sa pamamagitan ng hindi pangingialam sa karapatan ng bawat tao.
Base sa mga ulat, nang pumasok sa KOJC ang operatiba ng PNP – kasama ang mga tauhan ng Special Action Force (SAF) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – para magsilbi ng arrest warrant ay nasaktan ang ilang misyonaryo nang magka-tensiyon.
Bigla kasing inakyat ng mga naka-full battle gear na kapulisan ng pader ng religious compound para maghalughog sa loob.
Ginawa nila ito nang walang search warrant.
Sa isang pahayag, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang ginawang pagkukob ay malinaw na paglabag sa batas at tinawag pa itong “overkill”.
Samantala, ipinunto ni Padilla na binatikos na ang PNP noong nakaraan dahil sa paggamit ng “excessive force” sa pag-serve ng warrants. Kasama rito ang pag-aresto sa may edad na environmental activist sa Pakil, Laguna ng 25 SAF members noong 2022; at ang operasyon na kinasasangkutan ng 18 CIDG personnel at anim na Regional Maritime Unit member na nauwi sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa noong 2016.