UMPISA pa lang ng ikatlong pagdinig sa Senado sa Saligang Batas kanina ay naglabas ng sama ng loob si Senador Robinhood “Robin” Padilla.
Ito’y matapos hindi sumipot sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ang inaasahang resource person na siyang kalihim ng Department of Energy (DOE).
Bukod sa kalihim ng DOE ay nagpadala lamang ng representative si Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Bagama’t nanawagan muli si Padilla para dumalo ang mga opisyal sa pagdinig, iginiit niya na hindi mangyayari ang ganitong kakulangan ng koordinasyon ng Ehekutibo at Lehislatura kung lumipat sa parliamentary system ang Pilipinas.
Tinatalakay sa pagdinig ang sensitibong issue ng charter change, kung kaya dapat aniya ay magbigay interes ang mga inimbitahan dito.
“Hindi ko maintindihan kung bakit hirap na hirap ang Senado na mag-imbita ng ibang secretary… Hindi ko po alam sapagka’t itong Constitution natin ngayon sa 1987, ang sinasabi nito, merong balanseng kapangyarihan ang legislative at ang executive. Ibig sabihin pantay tayo ng kapangyarihan. Kapag inimbita sana ang taga-executive sana po ay mapagbibigyan niyo kami sapagka’t dito di kami mga marites o parites… Itong bagay na ito ay hindi isang bagay na isinasantabi sapagka’t Saligang Batas po ito,” ani Padilla sa pagsimula ng ikatlong pagdinig ng kanyang komite nitong Biyernes.
Ang sentimyento ni Padilla ay suportado naman ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
“We are co-equal branch of government and we should respect each other. Pag nag-imbita tayo they should also attend to our invitation,” ayon kay Dela Rosa.
Kaugnay nito ay muli naman iginiit ni Senador Koko Pimentel na kailangan siputin ni Executive Secretary Vic Rodriguez ang pagdinig ng Senado kaugnay sa Sugar Order No. 4.
Matatandaan na ipinatawag ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee sa ikalawang pagdinig ng kontrobersyal na sugar importation si Rodriguez ngunit bigo itong dumalo dahil sa may kasabay na Cabinet meeting sa Malakanyang.
Bagama’t sinipot ni Rodriguez ang unang pagdinig ay umalis naman ito agad matapos basahin ang kanyang statement.
“Mayroon din kasi tayong mga proseso na galing sa konsepto ng korte. Sa korte kasi hindi ka pwede mag-testify sabay takbo o sabay alis. Kailangan matanong ka sa testimony mo. ‘Yun lang naman ang hinihingi namin eh,” ayon kay Pimentel.
Ipinunto ni Senador Pimentel na sakaling hindi makaya ang physical na pag-attend sa pagdinig ay puwede naman itong gawin online.
“Compromise online pero hindi pwedeng compromise na di na mag-a-appear, hindi pwede ‘yun that’s not a compromise that is a dictation in the committee na ayaw niya mag-appear,” ayon kay Pimentel.
Matatandaan na una nang nagpadala ng sulat si Rodriguez sa Senate Blue Ribbon Committee na hindi ito makadadalo dahil abala na sa mga gawain sa Malacañang at sa state visits ng Pangulo.