INILAHAD ni Senate Blue Ribbon Chairman Francis Tolentino na malabo nang makadadalo sa mga susunod na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee si Executive Secretary Vic Rodriguez.
Kinumpirma ni Senador Tolentino na pagkatapos ng ikatlong pagdinig ng kontrobersyal na Sugar Order No 4 ay kanila nang ilalabas ang partial conclusion sa naturang imbestigasyon.
Partial conclusion ang gagawin dahil sa hindi pa rin sumisipot sa pagdinig si ES Rodriguez kahit ipinatawag na ito ng Senate panel.
“May mga partial recommendations that can be released even while waiting for the testimony of another person, that would be probably tied up to the rest… so parang may nauna ka nang release ng conclusions,” pahayag ni Tolentino.
Sa panayam kay Tolentino, nais na niyang tapusin ang imbestigasyon ngunit hindi pa ito mangyayari dahil sa naging pahayag ni Senador Aquilino Koko Pimentel III na hindi maaring tapusin ang hearing kung hindi muling haharap sa pagdinig si Rodriguez.
Ayon kay Tolentino, sa kabila ng ipinadalang liham sa tanggapan ni Rodriguez ay malabo itong sisipot dahil sa magiging abala sila sa biyahe ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagbisita sa ilang bansa sa Asya at pagtungo sa United Nation.
Sinabi ng mambabatas na sa kabila nito ay padadalhan pa rin nila ng imbitasyon ang kalihim para sa susunod na pagdinig sa araw ng Martes.
“Alam mo, alam naman nating lahat na marami siyang gawain ngayon dahil ang presidente ay papunta sa Indonesia. Pagkatapos ay papunta sa Singapore, pagkatapos ay sa United Nations. Kung tutuusin siya lahat ang gumagawa nito. Kung tutuusin kung hindi siya kasama sa UN baka maging care take care pa siya ng Office of the President. So marami siyang gawain. Pero we consider the fact that the invitation of the Senate still remains,” ayon kay Tolentino.
Aniya, sa mga nakaraang dalawang pagdinig na established na naman kung sino ang lumagda sa SO4 nang hindi ipinaalam kay Pangulong Marcos bilang kalihim ng Department of Agriculture.
Ayon kay Tolentino, maaaring tingnan nila sa gagawing partial conclusion kung sino ang liable sa pagpapapirma ng Sugar Order 4 at kung ano ang magiging implikasyon nito.
Paliwanag ng senador, mas mabuti na may mga partial recommendations na habang inaantay ang testimonya ng ibang personalidad.