MARIING nanawagan si Senator Ramon Bong Revilla, Jr. sa pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na tukuyin kung bakit mas napakabilis ng pagbaha kumpara dati at napakabagal naman ng paghupa.
Ito ay matapos na buong tikas na ipinagmamalaki ng DPWH sa ipinatawag na pagdinig sa Senado noong Marso 8, 2023 na handang-handa na umano ang kanilang ahensiya maging ang mga pumping stations sa buong National Capital Region (NCR) ay handa na rin na may “100 percent” capacity para sa darating na tag-ulan ayon pa sa pahayag ni DPWH Sec. Manuel Bonoan.
Ang pagtalima ni Revilla ay makaraang lumubog na naman sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila na naging sanhi ng maghapong pagsisikip ng trapiko dahil sa madaming kalye ang hindi madaanan lalo na ng mga maliliit na sasakyan.
“Hinahanap kasi ng mga tao ‘yung sinasabi ng DPWH na kabuuang 13,224 flood control structures na inihanda nila sa buong bansa, hindi na dapat kasi nangyayari ang ganitong problema kaya dapat ayusin sa lalong madaling panahon” pagmamalasakit pa ni Revilla.
Pinakamalala ang naging sitwayon sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) na halos maghapong hindi umuusad mula bukana ng Laguna na humaba hanggang Crossing, EDSA ang hindi umuusad na mga sasakyan.
Ang dahilan ay dahil sa may mga mabababang bahagi ng kalsada na lubog dahil sa sobrang bilis ng pagtaas ng tubig kahit hindi naman malakas ang ulan at hindi humuhupa na hinihinalang barado ang mga daluyan ng tubig-baha.
Marami umano ang galing sa mga lalawigan patungong Manila ang nagpasya nang kumain sa loob ng sinasakyang bus dahil sa gutom at napakarami ng ating mga kababayan ang mas minabuti pang maglakad patungong EDSA dahil hindi umuusad ang mga sasakyan.
“Tukoy na kung saan-saan ‘yang mga binabahang parte na ‘yan at hindi natin maiiwasan ang mga pagbaha pero dapat ay pagtigil ng ulan ay mabilis din ang paghupa, kaya dapat na itong aksiyonan” pahayag ni Revilla.
Si Revilla na siyang chairperson ng Senate Committee on Public Works ay labis na nag-aalala sa kalagayan ng mga motorista at mananakay na paulit-ulit na nahihirapan tuwing bumubuhos ang ulan.
“Nag-aalala kasi ako dahil patuloy na magdadala pa ng mga pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha ang low pressure area (LPA) at ang southwest monsoon o habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa na posibleng tumagal pa ng ilang araw” pagwawakas pa ni Revilla.