SIGURADO na ang kandidatura ng beteranong mambabatas na si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. para sa darating na 2025 midterm elections matapos ito magsumite ng Certificate of Candidacy (COC) ngayong araw ng Lunes, Oktubre 7 sa Manila Hotel kasama ang kaniyang buong pamilya at ang anak niyang abogado na si Inah Revilla.
Muli ay tatakbo si Bong Revilla sa ilalim ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang kasalukuyang pinakamalakas at pinakamalaking partido sa bansa kung saan siya ang Chairman. Si Revilla ay kaanib ng LAKAS-CMD simula pa noong siya ay unang pumalaot sa politika tatlong dekada na ang nakararaan.
“Ngayong araw, pormal na nating sinelyuhan ang ating kandidatura sa pagka-senador sa darating na eleksyon 2025. Ang iyong lingkod, si Senador Bong Revilla, na sa loob ng tatlong termino bilang mambabatas sa Senado ay pinagkatiwalaan ng sambayanan, ay muling lalaban at titindig para patuloy na maging tagapagsulong ng kapakanan ng bawat isang ordinaryong Pilipino,”saad ng beteranong mambabatas.
Si Revilla ay bahagi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senate Slate ni Pangulong Ferdinnd Bngong Marcos Jr. na binubuo ng 12 senatorial candidates mula sa iba’t ibang major political parties sa bansa kabilang na ang Lakas-CMD.
“Nagpapasalamat ako sa ating Pangulong Bongbong Marcos at kay Lakas-CMD President Speaker Martin Romualdez sa tiwala na pinagkaloob nila sa akin upang maging isa sa mga kandidato na ilalaban ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. It’s an honor to run under this slate whose great aspiration is to stand up for the welfare, interests, and rights of every Filipino,” dagdag pa ni Revilla.
Si Revilla na nagsilbi na ng tatlong termino sa Senado (2004-2010; 2010-2016; 2019-present) ang instrumento sa pagpasa ng maraming landmark laws na direktang nagbibigay benepisyo sa maraming Pilipino hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang dito ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), Expanded Coverage of Centenarians Act (RA 11982), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examinations Act” (RA 12006), Granting Night Shift Differential Pay to Government Employees (RA 11701), and “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).
Siya rin ang ang may-akda ng batas upang maging lehitimo ang mga batang isinilang sa labas ng pagsasama ng legal na mag-asawa at ang motorcycle helmet act, at napakarami pang iba.
Si Revilla ay nagtala rin ng perfect attendance sa Senado at nakapagsumite ng kabuuang 1,979 bills and resolutions, kung saan 339 sa mga ito ay umiiral nang batas.
“Sa ating halos dalawang dekadang paninilbihan bilang senador, marami na po tayong naipasang mga batas na talagang pinakikinabangan ng ating mga kababayan. Hindi po natin sinayang ang tiwala ng sambayanang Pilipino. Sinigurado ko na bawat sentimo na pinapasahod sakin gamit ang buwis ng taumbayan, naibalik natin sa kanila sa pamamagitan ng pagsusulong at pakikibaka sa pagpasa ng mga makakabuluhang batas,” pagwawakas pa ni Revilla.
Nang tanungin si Revilla hinggil sa mga balakin niya para sa ika-apat na termino niya sa Senado ay sinabi nitong ipagpapatuloy nito ang pagsulong para sa social justice, kapakanan ng mga manggagawa, seguridad sa pagkain, public infrastructure, at karagdagang benepiyo pa para sa mga government employees.
“I am happy to say that because of the people’s trust, I was able to deliver my pact with the people. Ngayon, muli kong iniaalok ang aking kakayahan sa ating mga kababayan para patuloy silang paglingkuran,” saad pa ni Revilla.
“While we have accomplished so much, work never ceases and there is still much to be done. Kagaya ng pagtugon sa pagtaas ng presyo ng bilihin, paghahatid ng pagkain sa bawat hapag, mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda, pabibigay solusyon sa baha, pagbubuo ng makabagong Philippine Building Code, pagsasaayos ng retirement system sa hudikatura, dagdag benepisyo para sa mga barangay workers, nurses, guro, at iba pa. Ayan ang ating mga isusulong kung tayo ay muling mabibigyan ng pagkakataon upang makapaglingkod para sa ating ikaapat na termino,” paliwanag pa ni Revilla.
Ang paparating na midterm elections ay nakatakda sa Mayo 12, 2025 kung saan 12 senador ang kailangang ihalal.