Sen. Revilla sa gobyerno: Tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW mula sa giyera sa Israel

Sen. Revilla sa gobyerno: Tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW mula sa giyera sa Israel

HINIMOK ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang pamahalaan na gawin ang lahat ng makakaya upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy sa Israel at Gaza, at tiyaking wala kahit isa ang maiiwan sa gitna ng kaguluhan.

Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawang Pinoy ang nasawi dahil sa hidwaang nagaganap sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group na Hamas.

Hindi pa matiyak kung ang dalawang nasawi ay kabilang sa anim na napaulat na Pinoy na nawawala at pinaghahanap na ng pamahalaan.

“Nakakalungkot matanggap ang balita na dalawa sa ating mga kababayan sa Israel ay lubhang naapektuhan ng kasalukuyang sigalot na nauwi sa pagkawala ng kanilang buhay. Nakikidalamhati po tayo at nagluluksa kasama ng kanilang mga pamilya,” saad ni Revilla.

“Sa kabila nito, lalo akong nananawagan sa DFA at sa Department of Migrant Workers (DMW), gayundin sa buong pamahalaan, na tiyakin na nasa mabuting lagay na ang iba pa nating mga kababayan doon na maaari pang labis na maapektuhan. Dapat masiguro ang kanilang kaligtasan para hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga kababayan nating nasawi. We should ensure that no Filipino will be left unaccounted for. No one should be left behind,” dagdag pa ni Revilla.

Dalawang araw na ang nakararaan nang atasan ng DFA ang mga Pinoy na nasa gitna ng bakbakan na lumagay sa ligtas na lugar, ngunit tiniyak ni Revilla na kumikilos na ang administrasyong Marcos para sa paglikas sa iba pa nating kababayan.

“Time is crucial in saving the lives of our kababayans in Israel. Kaya dapat siguruhin talaga na gagamitin natin ang lahat ng pagkakataon at oportunidad para madala natin sila sa mabuting kalagayan. Hindi tayo dapat magpatumpik-tumpik dahil buhay nila ang nakataya sa bawat segundong lumilipas,” ani Revilla.

“Tiwala ako sa kakayahan ng ating mga opisyal. Last April lang nakita natin kung paano ni-repatriate ang mga kababayan natin sa Sudan, I expect na ganito rin ang mangyayari ngayon,” paliwanag pa ni Revilla.

Kaugnay rito ay nagpasalamat si Revilla sa mga tauhan ng DFA, DMW at iba pang ahensiya ng pamahalaan dahil sa kanilang serbisyo sa mga OFW sa mga panahong tulad nito.

“I greatly commend our people for working tirelessly for our fellow Filipinos overseas and making sure that they are safe and sound. My spirit is high that you will ensure that all our remaining kababayans are accounted for,” pagwawakas  ni Revilla.

Follow SMNI NEWS on Twitter