IGINIIT ni Senator Robinhood ‘Robin’ C. Padilla nitong Lunes na hindi siya aatras sa gitna ng pahayag na maaaring kapusin siya sa suporta sa Senado para amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Sa panayam sa Senate media, dagdag pa ni Padilla na hindi siya pinipigilan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipatupad ang kaniyang mandato bilang tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Nagbigay rin si Padilla ng katiyakan sa kapwa senador na ang kaniyang tinututukan ay ang pag-amyenda ng 7 economic provisions sa Saligang Batas, sa pamamagitan ng constituent assembly (con-ass), at hiwalay na pagboto ng Senado at Kamara.
Itinanggi rin ni Padilla ang suhestiyon na makipag-usap kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isyu dahil ayaw niyang maisip ng taumbayan na nagpapailalim ang Kongreso sa Ehekutibo.
Samantala, balak ni Padilla na ituloy ang pagdinig sa constitutional amendments sa Cebu ngayong linggo.
Dagdag niya, nais niyang ma-file ang committee report at maipresenta ito sa plenaryo sa Mayo para pag-usapan sa Hunyo o Hulyo, at matapos sa Agosto para magkaroon ng plebisito na sasabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Oktubre.