Sen. Robin, isinulong ang paggamit ng amphibian aircraft para sa WPS resupply mission

Sen. Robin, isinulong ang paggamit ng amphibian aircraft para sa WPS resupply mission

PARA hindi na maulit ang tensiyon dulot ng mga insidente sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea (WPS), isinulong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pagkuha ng Multi-Purpose Amphibian Aircraft (MPAA) para sa Philippine Navy.

Sa kaniyang talumpati sa sesyon ng Senado, sinabi ng senador na malaki rin ang maitutulong ng MPAA sa ibang misyon kasama ang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), Search and Rescue (SAR) sa karagatan, at surveillance.

“Makakatulong po ang MPAA sa mas mabilis na pagsasagawa ng supply mission na hindi na mangangailangan pa ng escort at hindi mabibinbin sakaling may mga humarang sa ating mga watercrafts,” pahayag ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla.

Ang amphibian aircraft ay sasakyang panghimpapawid na kayang mag-take off at lumapag sa lupa at tubig.

Ipinunto ni Padilla na habang aabutin ng isa’t kalahating araw ang resupply mission patungong BRP Sierra Madre, kaya ng MPAA na gawin ito sa loob ng lima hanggang walong oras.

“Malaki po ang magiging tulong ng aircraft na ito sa pagpapatrolya hindi lamang sa Dagat Kanluran ng Pilipinas, kundi pati na rin sa iba’t ibang isla ng ating bansa. Ito po ay magiging mabisa rin sa pagsuporta sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA), Search and Rescue (SAR) sa karagatan, Maritime Air Surveillance (MAS), Intelligence Surveillance and Reconnaissance (ISR), at iba pang katulad na misyon,” dagdag ni Padilla.

Dagdag pa ni Padilla, patuloy ang pagbabago sa lebel ng ating mga pangangailangan sa depensa bunsod ng mga umuusbong na makabagong hamon sa seguridad na ating hinaharap kung kaya’t kailangan bigyan ng prayoridad ang pagbili ng MPAA para sa Philippine Navy.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble