NAGHAIN si Senator Robinhood “Robin” C. Padilla ng Senate Bill 2217 na sumusulong ng parusang kamatayan sa halal na opisyal at mga alagad ng batas na sangkot sa bawal na gamot.
Sa kaniyang panukalang batas, ikinalungkot ni Padilla na dahil maluwag masyado ang kasalukuyang batas, wala nang takot ang mga alagad ng batas na makinabang sa ilegal na droga —kung kaya kailangan ang mas mahigpit na tugon mula sa pamahalaan.
Hangad na amyendahan ng panukala ang sections 27 at 28 ng RA 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022, kung saan parusang kamatayan ang naghihintay sa opisyal o miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police(PNP) ‘or any other uniformed or law enforcement agency’.
Kamatayan din ang naghihintay sa halal na opisyal na nakinabang sa drug trafficking o nakatanggap ng kontribusyon o donasyon sa mga nahatulan sa drug trafficking—bukod sa pagtanggal sa puwesto.
Nguni’t hindi papatawan ng parusang kamatayan ang nagkasala kung ito ay babaeng buntis o sa may edad 70 pataas.